• February 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Helper na akusado sa Qualified Rape, laglag sa selda sa Valenzuela

HIMAS-REHAS ang 33-anyos na helper na akusado sa panghahalay sa isang menor-de-edad sa Valenzuela City nang masukol ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Quezon City.
Nagsimulang tugisin ng mga tauhan ni Valenzuela City Police Station Chief P/Col. Joseph Talento ang 33-anyos na helper na may kasong Qualified Rape of a Minor noon pang nakaraang taon nang hindi na siya mahagilap sa kanyag tirahan sa San Hose Heights sa Bulacan makaraang halayin ang menor-de-edad na biktima sa Valenzuela.
Sa ginawang koordinasyon sa National District Intelligence Team ng Regional Intelligence Unit ng National Capital Region (RIU-NCR) at Intelligence Group (IG), natukoy ng mga tauhan ni Col. Talento ang kinaroroonan ng akusado.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Col. Talento na alas-7:20 ng gabi nang tuluyang maaresto ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section ng Valenzuela police sa pangunguna ni P/Lt. Felix Viernes ang akusado sa Bulasan St. La Loma, Quezon City.
Ayon kay P/Capt. Robin Santos, OIC ng IDMS, walang piyansang inirekomenda ang Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Branch 172 nang ilabas ang warrant of arrest laban sa akusado noong Hunyo 19, 2025.
Pansamantalang nakadetine sa custodial facility ng Valenzuela Police Station ang akusado habang hinihintay pa ang paglalabas ng commitment order ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail. (Richard Mesa)