Heat pinalamig ng Oklahoma Thunder
- Published on January 14, 2026
- by @peoplesbalita
KUMANA si Shai Gilgeous-Alexander ng 29 points para banderahan ang nagdedepensang Thunder sa 124-112 pagpapalamig sa Miami Heat.
Ito ang ika-110 sunod na pagkakataon na bumira ng higit sa 20 points si Gilgeous-Alexander.
Nagdagdag si Jalen Williams ng 19 points para sa ikatlong sunod na arangkada ng Oklahoma City (33-7).
Umiskor sina Chet Holmgren at Ajay Mitchell ng tig-16 markers.
Bagsak ang Miami (20-19) sa pangatlong dikit na kamalasan bagama’t nakahugot kay Andrew Wiggins ng 23 points tampok ang pitong three-pointers.
Nag-ambag si Tyler Herro ng 19 points kasunod ang 16 markers ni Pelle Larsson para sa Heat na nahulog sa isang 13-point deficit sa third period matapos ang 15-0 atake ng Thunder.
Humugot din ang Oklahoma City ng 39 points mula sa 23 turnovers ng Miami.
Hindi nakalaro si Norman Powell para sa Heat dahil sa kanyang lower back soreness.
Sa Sacramento, humataw si DeMar DeRozan ng 22 points at naging ika-23 player sa NBA history na umiskor ng 26,000 points sa 111-98 panalo ng Kings (9-30) sa Houston Rockets (22-14).
Tumipa si Zach LaVine ng 18 points para sa Sacramento at nagposte si Russell Westbrook ng 15 points, 10 assists at 6 rebounds.
Sa iba pang laro, ginulat ng Denver Nuggets ang Milwaukee Bucks, 108-104; tinalo ng Phoenix Suns ang Washington Wizards, 112-93; dinomina ng Atlanta Hawks ang Golden State Warriors, 124-111; lusot ang Minnesota Timberwolves sa San Antonio Spurs, 104-103; panalo ang Orlando Magic sa New Orleans Pelicans, 128-118; nakatakas ang Toronto Raptors sa Philadelphia 76ers sa overtime, 116-115; at wagi ang Memphis Grizzlies sa Brooklyn Nets, 103-98.