• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 10:43 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Hazard mapping bilang suporta sa bagong Declaration of Imminent Disaster law

ISINUSULONG ni Parañaque Rep. Brian Raymund Yamsuan ang panukalang pagkakaroon ng multi-hazard maps sa bawat siyudad at munisipalidad sa bansa at gawing bahagi ng kasangkapan sa disaster risk reduction efforts at local development planning.

Sinabi ni Yamsuan na ang kanyang panukala ay nakapaloob sa House Bill (HB) 4035 na magpapalakas sa implementation ng bagong batas para makapagdeklara ang gobyerno ng “State of Imminent Disaster,” na siyang magpapasimula sa pagpapatupad ng preemptive actions bago dumating ang kalamidad.

Nilagdaan kamakailan lamang ni Pangulong Marcos ang Republic Act (RA) 12287 o Declaration of State of Imminent Disaster Act para sa agarang implementasyon ng anticipatory measures o paghahanda ang National, Regional and Local Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) councils sa pagdating ng kalamidad.

Sa kabila na hindi mapipigilan ang pagtama ng sakuna ay posible naman itong paghandaan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng science-based at data-driven strategies.

At isa na aniya rito ang hazard mapping.

“Multi-hazard maps would provide our DRRM councils with effective tools in implementing the Declaration of Imminent Disaster Law. On top of being helpful for land use planning, these maps would aid the DRRM councils in pinpointing the most vulnerable areas where preemptive action should be urgently carried out to help save lives and reduce losses before a calamity strikes,” dagdag nito.

Ang “multi-hazard map” sa ilalim ng HB 4035 o panukalang National Multi-Hazard Mapping Act, ay tumutukoy sa mapa na nagsasaad sa pagiging bulnerable ng bawat LGU sa panganib tulad ng landslides, pagbaha, sea level rise, storm surges, volcanic eruptions, at lindol.

Inaatasan ng HB 4035 ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa pamamagitan ng attached agency, National Mapping and Resources Information Authority (NAMRIA), na magbuo ng multi-hazard maps para sa bawat siyudad at munisipalidad sa bansa.

Ang DENR, NAMRIA, Department of Science and Technology (DOST), Philippine Space Agency (PhilSA), Climate Change Commission, National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kaukulang local government units (LGUs) at iba pang government agencies na mayroong hazard mapping projects at satellite imaging capabilities ay makikipagtulungan para sa pagbuo at pagpapatupad ng komprehensibong plano upang masiguro ang accessibility at tamang paggamit ng mapa.

Dapat isama sa plano ang nationwide information campaign; training programs para sa local officials, disaster response teams at community leaders.
(Vina de Guzman)