• October 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 23, 2025
    Current time: October 23, 2025 6:44 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Hapones na pugante at Nigerianong kriminal, arestado ng BI

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang banyagang pugante na hinahanap ng kani-kanilang mga pamahalaan, sa magkahiwalay na operasyon ng Fugitive Search Unit (FSU) sa Cagayan de Oro at Olongapo City.
Sa unang operasyon, nagsanib-puwersa ang mga ahente ng FSU, Philippine National Police, BI Regional Intelligence Unit 10, at mga awtoridad ng Japan upang arestuhin ang Japanese national na si Yoshihiko Kubura sa Barangay Patag, Cagayan de Oro City.
Si Kubura, na gumagamit din ng alyas na Yoshihiko Tashiro, 59, ay hinahanap ng Kyoto District Court dahil sa kasong pananakit sa ilalim ng Japanese Penal Code, matapos umanong bugbugin ang isang lalaki sa loob ng isang karaoke bar sa Kyoto City noong 2013, na nagresulta sa bali sa mukha ng biktima. Ang kanyang pagkakaaresto ay bunga ng pormal na kahilingan ng pamahalaang Hapones para sa kanyang deportasyon.
Batay sa beripikasyon sa database ng BI, huling dumating sa Pilipinas si Kubura noong Pebrero 2012 bilang pansamantalang bisita at overstaying na mula pa noong Abril 2014. Siya rin ay nakalista sa Watchlist at Blacklist Orders ng Bureau bilang isang pugante sa hustisya.
Makalipas ang ilang oras, nagsagawa muli ng operasyon ang mga ahente ng FSU sa isang resort sa Olongapo City, katuwang ang mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) mula sa NCR at Olongapo.
Naaresto nila si John Emmanuel Obasi, 33, isang Nigerian national na kalaunan ay kinumpirma ng kanyang embahada bilang kasapi ng isang sindikatong kriminal na nagpapatakbo sa loob ng bansa.
Ayon sa mga awtoridad ng Nigeria, sangkot umano si Obasi at ang kanyang grupo sa isang pamamaril sa publiko at hit-and-run incident na nagresulta sa pagkamatay at malubhang pagkasugat ng ilang tao. Nabigo rin siyang magpakita ng balidong pasaporte o mga dokumentong pang-imigrasyon nang tanungin ng mga awtoridad.
Pinuri ni Viado ang FSU sa kanilang mabilis at koordinadong aksyon, at sinabing nananatiling masigasig ang Bureau sa pagtugis at pagpapatalsik sa mga hindi kanais-nais na dayuhan sa bansa.
“Pinaigting pa natin ang ugnayan sa mga lokal at banyagang ahensiya ng pagpapatupad ng batas upang matiyak na ang mga umiiwas sa hustisya sa ibang bansa ay mahuhuli at mapapaalis sa ating teritoryo,” ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado. “Magpapatuloy ang aming mga operasyon nang walang tigil. Hindi magiging ligtas na kanlungan ang Pilipinas para sa mga pugante,” dagdag pa niya.
Ang dalawang pugante ay dinala sa detention facility ng BI sa Taguig City para sa booking at dokumentasyon, habang nakabinbin ang kanilang deportation proceedings. (Gene Adsuara)