Halos 700 panukalang batas, inihain sa unang araw ng 20th Congress
- Published on July 2, 2025
- by @peoplesbalita
UMABOT sa total na 666 panukalang batas, 16 resolusyon at isang joint resolution o nasa total na 683 ang inihain sa unang araw ng ika-20 Kongreso.
Pinangunahan ito ni Leyte Representative Ferdinand Martin Romualdez, na naghain ng limang panukalang batas o House Bill 1 hanggang 5.
Ang HB 1 o panukalang “Rice Industry and Consumer Empowerment (RICE) Act,” ay naglalayong ibalik sa National Food Authority’s (NFA) ang regulatory powers upang maibaba ang presyo ng bigas at maprotektahan ang magsasaka.
Kabilang sa iba pang panukala ay ang pagbibigay exemption sa Overseas Filipino Workers’ (OFWs) sa pagbabayad ng premium contributions sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), magbuo ng Philippine Centers for Disease Prevention and Control (CDC) bilang pangunahing ahensiya sa developing at implementing disease prevention and control initiatives, pag-update sa private school educational assistance at pagbuo ng Eastern Visayas Development Authority.
Kasama sina Tingog Party-list Reps. Andrew Julian Romualdez at Jude Acidre sa co-authors ng limang panukalang batas.
Si Neophyte Valenzuela City Rep. Gerald Cloyd Alexis Galang ay naghain naman ng pitong panukalang batas kabilang na ang House Bill 154 o “Magna Carta for Senior Citizens,” HB 155 o “Social Pension of Senior Citizens Act” at HB 156, na mag-aamyenda sa qualifications sa Republic Act 11768 o “Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015.”
Habang ang nagbabalik na si Parañaque City Rep. Eric Olivarez ay naghain naman ng 10 panukala kabilang na ang HB 144 na nagbubuo rin ng Philippine CDC, kahalintulad sa panukala ni Speaker Romualdez, HB 148 na nagbibigay exemption sa mga senior citizens sa pagbabayad ng parking fees sa mga commercial establishments at government buildings, at HB 150 na nag-eexempt sa persons with disabilities at senior citizens sa pagbabayad ng travel tax. (Vina de Guzman)