Halos 50 naninirahan sa mga kalye sa Caloocan, ni-rescue ng LGU
- Published on July 16, 2025
- by @peoplesbalita
UMABOT sa 45 na naninirahan sa mga lansangan ng Caloocan City, kabilang ang mga senior citizen at menor de edad ang na-rescue ng Pamahalaang Lungsod sa dalawang back-to-back reach-out operations ngayong buwan, sa patuloy na nagpapakita ng malasakit at mahabagin na pamumuno.
Ang mga nasagip na street dwellers ay binigyan ng Caloocan Social Welfare Development Department (CSWDD) ng maiinit na pagkain, sariwang damit, tsinelas, at hygiene kits. Binigyan din sila ng counseling at livelihood assistance habang ang ilan ay ligtas na naiuwi sa kanilang mga tahanan.
Lumalabas din sa imbestigasyon na ang mga senior citizen na nasagip ay nakarehistro na bilang mga recipient ng mga programa at serbisyo ng Office for Senior Citizens Affairs.
Dalawang nasa hustong gulang na kabilang sa mga nasagip ay nabigyan din ng screening at testing para sa substance at illegal drug abuse.
Pagkatapos ay itinurn-over sila sa kanilang receiving family at iniendorso sa Barangay Anti-Drug Abuse Council at Caloocan City Anti-Drug Abuse Office para sa karagdagang tulong at interbensyon.
Samantala, nagsagawa rin ng parenting effectiveness session para sa mga magulang at tagapag-alaga ng mga nasagip na menor de edad, kung saan ipinabatid din sa kanila ang mga legal na epekto ng pagpapabaya sa bata.
Ang mga magulang at tagapag-alaga ay pinapirma rin sa isang kasunduan sa pamahalaang lungsod kung saan ipinahayag nila ang kanilang pangako sa pangangalaga sa kanilang mga anak.
Binigyang-diin naman ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na ang pamahalaan ng lungsod ay nakatuon sa pagprotekta sa mga nasasakupan nito mula sa pinsala at pagbibigay sa kanila ng holistic na pangangalaga at serbisyo.
“Malaking problema sa bawat lungsod ang mga street dweller kabilang na po dito sa Caloocan. Kaya naman pinagsusumikapan namin na ma-rescue mula sa kalsada ang mga street dweller, lalo na ang mga menor de edad at senior citizen upang mabigyan sila ng sapat na pagkalinga o maibalik sa kanilang mga tahanan,” aniya. (Richard Mesa)