Halos 300 aplikante, hire on-the-spot sa Caloocan LGU mega job fair
- Published on August 7, 2025
- by @peoplesbalita
HALOS 300 aplikante ang na-hire on-the-spot sa Mega Job Fair na isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan na ginanap kamakailan sa South Caloocan.
Ayon sa Public Employment Service Department (PESD), may kabuuang 293 aplikante ang natanggap sa 77 pribadong kumpanya sa iba’t ibang industriya.
Binati ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang daan-daang aplikante na lumahok sa job fair at nangakong patuloy na gagawing mas accessible ang mga oportunidad sa trabaho para sa kanyang mga nasasakupan.
“Sa unang termino ko bilang ama ng lungsod, hiningi ko ang tulong ng PESD sa paglalapit ng maraming oportunidad sa mga Batang Kankaloo upang tiyaking mayroon silang maayos at disenteng trabaho upang mamuhay ng maginhawa at marangal.” ani Mayor Along.
“Ngayong ikalawang termino ko, sinisiguro ko na sisikapin nating maglapit ng mas maraming trabaho at kabuhayan. Hindi limitado sa mega job fair ang ibibigay natin, kundi pati na ang libreng skills training, livelihood demonstrations, livelihood packages, at mga local recruitment activities.” dagag niya.
Inihayag din ng pamahalaang lungsod na magsasagawa sila ng isa pang Mega Job Fair sa Agosto 14, 2025 sa North Caloocan.
Ito ay gaganapin sa Ground Floor ng SM City Caloocan – Bagumbong mula alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon at magkakaroon din ng one-stop shop sa event para sa mas madaling pagproseso ng mga dokumento ng gobyerno ng mga aplikante. (Richard Mesa)