Half-day, work-from-home setup para sa mga empleyado ng gobyerno ngayong Miyerkules Santo- Malakanyang
- Published on April 1, 2026
- by @peoplesbalita
IPATUTUPAD ng Malakanyang ang half-day work-from-home arrangement sa Miyerkules Santo, Abril 1, 2026 para sa mga empleyado ng gobyerno.
“Ang announcement, April 1, for all government employees, tomorrow, 8:00 AM to 12:00 noon, work from home. From 12:01 PM hanggang 5:00 PM, wala na pong pasok,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, pinagbatayan ang Memorandum Circular No. 116, nilagdaan ni Executive Secretary Ralph Recto, na may pahintulot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., may petsang Marso 31, 2026.
Ang adjustment ay alinsunod sa pagdiriwang ng Semana Santa, isa sa pinakamahalagang ‘religious periods’ sa bansa, kung saan maraming Pilipino ang bumibyahe papuntang lalawigan o nagpapartisipa sa mga religious activities.
Sa kabilang dako, ang Maundy Thursday (April 2) at Good Friday (April 3) ay regular holidays, habang Black Saturday (April 4) ay deklaradong special non-working day.
Ang adopsyon ng work from home at suspension of work para sa mga pribadong kumpanya at tanggapan ay ipinauubaya na ng Malakanyang sa diskresyon ng kani-kanilang employers.
Samantala, ang Mahal na Araw ay isang relihiyosong pagdiriwang ng mga Kristiyano sa Pilipinas. Ipinagdiriwang dito ang mahahalagang kaganapan sa buhay ni Hesukristo, partikular ang Kanyang paghihirap, pagkamatay sa krus, at muling pagkabuhay.
Sa nasabing long weekend, tradisyonal na makikita ang pagdagsa ng mga byahero, dahil karaniwan na pami-pamilya ang nagbabalik sa kanilang home provinces o nagbabakasyon para magpahinga at magnilay-nilay. (DARIS JOSE)