• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

“Guko” nalambat sa baril at shabu sa Navotas

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isang mangingisda matapos makuhanan ng baril at shabu makaraang masita dahil walang suot na damit habang naglalakad sa Navotas City.

 

 

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong suspek na si Angelito Jaime alyas “Guko”, 20, (user/listed) ng 95 B. Cruz St., Brgy. Tangos North.

 

 

Ayon kay Col. Ollaging, dakong ala-una ng madaling araw, nagpapatrolya ang mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station 2 sa ilalim ng pangangasiwa ni PLT Genere Sanchez nang maispatan nila ang suspek na walang damit habang naglalakad sa kahabaan ng A. Cruz St., Brgy. Tangos South.

 

 

Nang lapitan ng mga pulis, nakita nila ang isang improvised gun na nakasukbit sa bewang ng suspek na naging dahilan upang arestuhin siya ng mga parak.

 

 

Narekober sa suspek ang naturang improvised gun na may isang bala at isang transparent plastic sachet na naglalaman ng tinatayang nasa P2,040 halaga ng hinihinalang shabu.

 

 

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 at RA 10591 in relation to Omnibus Election Code of the Philippines. (Richard Mesa)