Grupong Kongreso ng Bayan pinagre-resign si House Speaker Romualdez
- Published on June 20, 2025
- by @peoplesbalita
HINIMOK ng multisectoral group na “Kongreso ng Bayan” si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na magbitiw na sa kanyang puwesto. Sa isang press conference ay nanawagan ang koalisyon at sinabi na “We are calling the immediate resignation of House Speaker Martin Romualdez resign now na!”
Ayon sa grupong tinawag na KONGRESO NG BAYAN, masyado na umanong pini-personal ni Romualdez ang mga kalaban sa politika kung kaya’t nagkakagulo ang bansa.
Humarap din sa nasabing Press Conference ang mga grupong naghain ng mga kaso kabilang ang Graft case sa Ombudsman laban kay Romualdez. Sinabi ni Atty. Virgil Garcia na nakabinbin ngayon sa Office of the Ombudsman ang kasong falsification of legislative documents na inihain nila laban kay Speaker Romualdez dahil ang constitutional issue na inihain ni Atty. Vic Rodriguez sa Korte Suprema ay dapat munang lutasin. Tiniyak niya ang “impeccable integrity” ni Ombudsman Samuel Martires sa paglutas ng falsification ng mga legislative document na inihain nila laban kay Speaker Romualdez. “Sana ay mapukaw namin ang natutulog nyong damdamin. Nararapat bang manatili si Speaker Romualdez o dapat na siyang palitan. Kami po ay nagsisimula lamang at nasa inyo na po ang susunod na hakbang,” dagdag pa ni Garcia.
Nilinaw ng grupo na panahon na para bumaba or mag resign na si Romualdez dahil kulang na ang pamunuan at panahon na para kay Speaker Romualdez na tumabi na at ibigay na ang pamumuno ng Kongreso sa ibang Kagawad ng Kongreso. At ayon pa sa grupo ay inihaharap nila sa mga tao ang tunay na sitwasyon at binubuksan ang mga mata sa kung ano ang maaaring gawin ng mga tao mismo sa kani-kanilang Congressional District kung kaya’t ang aksyon ay dapat magmula sa mga taong apektado mismo.
May mga pangalang lumutang na maglalaban para sa House Speakership at ito ay sina ALBEE BENITEZ, Bacolod City Lone District., ANGELO BARBA, Ilocos Norte 2nd District., TOBY TIANGCO, Navotas City Lone District, MARTIN ROMUALDEZ, Leyte 1st District.
Si “ALBEE BENITEZ ang napupusuan ng grupo na maaaring mas karapat-dapat na mamuno bilang susunod na Speaker of the House of Representatives of the Philippines.
Ang “Kongreso ng Bayan” ay isang koalisyon ng iba’t ibang grupo, mga pinuno mula sa relihiyon, katutubo, Muslim, abogado, OFW, negosyo, at sektor ng transportasyon, at mga retiradong tauhan ng militar at ordinaryong Pilipino. Nauna na nilang binawi ang kanilang suporta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. (PAUL JOHN REYES)