Government agencies pinaghanda sa dagsa ng pasahero ngayong Semana Santa
- Published on April 16, 2025
- by @peoplesbalita
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang mga ahensiya ng gobyerno na tiyakin na ligtas at maayos ang pagbiyahe ng mga Filipino at mga dayuhan ngayong panahon ng Semana Santa. Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, partikular na inaasahan ng Pangulo na tutugunan ang mga posibleng isyu na maaaring sumulpot ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon tulad ng mga pasilidad sa transportasyon at overloading ng mga pasahero. “Ang gusto po ng Pangulo natin at ang direktiba po niya ay bigyan ang ating mga kababayan, at hindi lang mga kababayan, kung sino man bumibisita sa ating bansa ng isang safe at convenient travel,” sinabi pa ni Castro. Bukod aniya dito, ay dapat din bigyan ng proteksyon ang mga naiiwan sa bahay na hindi magbibiyahe at magbabakasyon. Iginiit pa ni Castro na inatasan na rin ni Pangulong Marcos ang Bureau of Immigration (BI) na maghanda sa pagdagsa ng mga pasahero sa mga paliparan. Nauna nang sinabi ni Dizon na tinatayang 150,000 pasahero ang inaasahang magtutungo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) lamang habang papalapit ang Semana Santa. Tiniyak naman aniya ng BI na sapat ang kanilang mga tauhan para sa pagdagsa ng mga pasahero sa mga paliparan sa buong bansa. “Magtatalaga [sila] ng 48 personnel para siguraduhin na lahat ng counter ay may tao at hindi maipon ang pila, hanggat sa makakaya dahil hindi natin malalaman kung gaano ba talaga karami ang daragsa sa pagta-travel,” ayon pa kay Castro.
https://radyopilipinas.ph/wp-content/uploads/2023/08/pasahero-1-1024×755.jpg