• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 4:32 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Gobyerno pinag-aaralan ang rice ‘floor price’ para protektahan ang kita ng mga magsasaka-PBBM

SINABI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pinag-aaralan na ng gobyerno ang implementasyon ng “floor price” para sa bigas upang matiyak na sapat ang magiging kita ng mga magsasaka at nakahanda ang mga ito para sa susunod na ‘planting season’.
Sa isang dayalogo kasama ang mga magsasaka sa ginawang pagbisita ng Pangulo sa bodega ng National Food Authority (NFA) sa San Ildefonso, Bulacan, binigyang diin ni Pangulong ang pangangailangan na magkaroon ng balanse sa pagitan ng panatilihin ang bigas na ‘affordable’ para sa mga mamimili at tiyakin na ang mga magsasaka ay hindi dehado sa pagbebenta ng kanilang produkto.
Ang paliwanag ng Pangulo, ang panukalang hakbang ay ginaya matapos ang floor pricing system para sa tabako sa kanyang home province sa Ilocos Norte.
“Pinag-aaralan namin, ginagaya namin sa tobacco doon sa amin sa Ilocos, may floor price. So never bababa doon sa floor price,” ang sinabi pa rin ng Pangulo.
“So, pinag-aaralan naming magkaroon ng floor price para wala namang malugi,” dagdag na wika nito.
Sinabi pa ng Chief Executive na ang hindi matatag na ‘market prices’ ang sagabal sa ‘planning at long-term sustainability’ kapuwa sa mga magsasaka at gobyerno.
“Kapag masyadong malikot ang presyo, hindi tayo makapagplano ng maganda. Siguro kayo ganun din ang experience niyo,” ang sinabi ng Pangulo sa mga magsasaka.
“Binabalanse talaga namin – ‘yung presyo para sa mga namimili at saka yung buying price naman namin galing sa mga farmers para maganda ang sitwasyon,” ang dagdag na pahayag nito.
Samantala, nangako naman ang Pangulo na itataas ang suporta ng pamahalaan sa pamamagitan ng karagdagang agricultural machinery at logistics para bawasan ang ‘production losses’ at paghusayin ang post-harvest operations. ( Daris Jose)