Gobyerno, isasama ang P20/kg. rice sa ‘Walang Gutom’ anti-hunger program
- Published on June 4, 2025
- by @peoplesbalita
ISASAMA na ng gobyerno ang pagbebenta ng P20 kada kilos ng bigas sa Walang Gutom Program (WGP) ng Department of Social Welfare and Development.Layon nito na palakasin ang ‘food access’ para sa mga mahihirap na pamilya.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian na ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mga ahensiya ng pamahalaan na magtrabaho na iisa ang galaw at paraan.
Nauna rito, sinabi ni Gatchalian na nakapulong na niya si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. para isapinal ang suplay ng P20/kg. bigas sa Walang Gutom accredited retailers.
Ang mga retailers na ito ay kinabibilangan ng Kadiwa outlets at small agri-cooperatives, kaparehong outlets kung saan maaaring i-redeem ng WGP beneficiaries ang kanilang food credits.
“Bibigyan sila ng supply ng bente pesos na bigas para ‘yung credits nila, mas marami silang mabili,” ang sinabi ng Kalihim.
Nagsumite naman ang ahensiya ng listahan ng 1,000 accredited retailers sa DA para simulan na ang rollout.
Inilunsad noong July 2023 sa ilalim ng Executive Order 44, ang Walang Gutom 2027: Food Stamp Program aay naglalayon na itaas ang 750,000 food-poor families mula sa pagkagutom sa 2027.
Ang mga benepisaryo ay makatatanggap ng monthly food credits na redeemable sa partner retailers at sasailalim sa nutrition education.
Samantala, ang P20/kg. rice, o ang Benteng Bigas Meron Na! ay flagship program ng Department of Agriculture at National Food Authority. Tinupad nito ang campaign promise ng Pangulo na gawing affordable ang bigas sa publiko.
Ang pagsama ng P20/kg. rice ay pinakabagong pagpapahusay sa Walang Gutom Program, nagpakita ng positibong resulta base sa independent monitoring.
Ang nationwide survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) at kinomisyon ng Globe Telecom ay nagpapakita na ang hunger incidence sa hanay ng WGP beneficiaries ay bumaba mula 48.7% noong October 2024 hanggang 44.6% noong December 2024.
Ang SWS survey, kasama ang 4,000 respondents sa lalawigan, nagpapakita na habang ang pagkagutom sa mga benepisaryo ay bumaba, ang pagkagutom sa mga non-beneficiaries ay tumaas ng 6.1 percentage points sa kaparehong panahon.
Ang mga rehiyon ng Negros Occidental, Negros Oriental, Cotabato City, Zamboanga del Norte, at Surigao del Norte ang nakitaan ng “most marked improvements.”
Samantala, lumabas din sa pag-aaral na bagama’t may malalang food insecurity—kabilang na ang pagliban sa pagkain o hindi kumain sa buong isang araw, nananatili namang alalahanin, ang pagtaas ng kaso ay kapansin-pansin na mas nagpabagal sa hanay ng mga benepisaryo ng prorama. ( Daris Jose)