Gobyerno, ‘fully mobilized’ para sa ‘flood response’; isinasagawa na ang relief
- Published on July 22, 2025
- by people's balita
TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa publiko na pinagana na ng national government ang lahat ng kaugnay na ahensiya para tumugon sa malawakang pagbaha sanhi ng southwest monsoon o “habagat.”
Sa isang recorded message mula Washington, DC, isinapubliko, gabi ng araw ng Lunes, sinabi ng Pangulo na ipinag-utos na niya sa pinakamahalagang mga ahensiya ng gobyerno na maghanda bago pa ang matinding ‘weather conditions’ at tiyakin na ang kinakailangang tulong at serbisyo ay makaaabot sa mga apektadong komunidad.
Tinuran pa ng Pangulo na ang Office of Civil Defense, Department of Transportation, Department of Health, Department of Science and Technology, Department of Social Welfare and Development, Department of Public Works and Highways, Department of Energy, at Department of the Interior and Local Government ay pinakilos at inatasan na mag-ugnayan sa isa’t isa.
Idineploy naman ang relief goods at medical teams sa mga apektadong lugar, habang ang mga kritikal na kagamitan gaya ng tubig, elektrisidad, at transport services ay siguruhin.
“Nandito kami lagi upang magbigay ng lahat ng serbisyo na kailangan sa harap ng hamon ng climate change,” ayon kay Pangulong Marcos.
Hinikayat naman niya ang publiko na manatiling naka-alerto, sumunod sa weather updates, at makinig sa mga instructions mula sa local government units upang masiguro ang kanilang kaligtasan.
“Siguraduhin natin mas lalo pang mapalakas ang kakayahan ng pamahalaan na tumugon sa ganitong klaseng sitwasyon,” aniya pa rin.
Samantala, ang Pangulo ay nasa Washington, DC mula July 20 hanggang 22 para sa isang official visit dahil na rin sa imbitasyon ni US President Donald Trump para lumalim pa ang Philippine-US bilateral ties sa ‘defense, trade, at climate resilience.’ ( Daris Jose)
