• April 8, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Gobyerno, binitbit ang P20/kg. rice program sa pampublikong pamilihan- Malakanyang  

BINITBIT ng gobyerno at nagsimula na ang pag-roll out ng P20 kada kilo bigas sa pampublikong pamilihan sa buong bansa.

Kasunod ito ng ginawang paglulunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa “Benteng Bigas, Meron Na!” program sa Bacoor, Cavite.

“Alinsunod ito sa panawagan ni Pangulo na palawakin pa ang sakop ng P20 rice program ng administrasyon,” ang sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

“Diin ng Pangulo, hangad ng gobyerno na magkaroon ng sapat na pagkain sa hapag-kainan ng bawat Pilipino,” aniya pa rin.

Winika pa ni Castro na ang inisyatiba ay pumapasok na sa mas malawak na rollout phase para mapakinabangan ng mas maraming low-income families.

Nauna rito, pinangunahan ni Pangulong Marcos kasama ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) ang paglulunsad ng programa sa Zapote Public Market sa Bacoor, Cavite.

Tanda ito ng ‘major expansion’ ng P20 rice initiative, sa simula ay inilaan para sa pilot testing sa Visayas nito lamang buwan ng Mayo.

Sa kabilang dako, sinabi ng Agribusiness and Marketing Assistance Service ng DA, na ang programa ay umabot na sa mahigit 105,000 pamilya sa Luzon at Visayas, namahagi ng mas mahigit sa 804,000 kilo ng bigas sa pagitan ng May 13 at June 30.

Ang P20 na bigas ay kasalukuyang available sa senior citizens, solo parents, persons with disabilities, indigent families, at minimum wage earners, na may 1 milyong target na benepisaryo sa pagtatapos ng taon.

Ang layunin ay maabot ang 15 milyong Pinoy sa buong bansa sa 2026 at mapanatili ang programa hanggang 2028.

Sinusuportahan din ng programa ang mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng muling ipuhunan ang NFA procurement budgets sa rural economies, habang tinutulungan na mapaluwag ang bodega ng mga bigas.

Sa ngayon, may 94 outlet sites ang itinatag sa iba’t ibang bahagi ng bansa. (Daris Jose)