• October 23, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 24, 2025
    Current time: October 24, 2025 3:24 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

GM TAI pinangunahan ang inspeksyon ng proyekto sa pabahay; inagurasyon ng tanggapan ng NHA sa Navotas

PINANGUNAHAN ni National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben Tai, ang inspeksyon ng Arkong Bato Housing Project sa Lungsod ng Valenzuela upang matiyak ang kalidad at napapanahong pagtatapos ng proyekto.

 

Matatagpuan sa loob ng lungsod, ang Arkong Bato Housing Project ay sumasalamin sa dedikasyon ng NHA sa in-city development. Ang proyekto ay nakalaan para sa mga pamilyang naninirahan sa mga mapanganib na lugar, kabilang ang mga nasa baybayin ng Ilog Tullahan.

 

“Alinsunod sa ating programang Build Better More (BBM) Housing at sa direktiba ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para makamit ang isang Bagong Pilipinas, atin pong sinisigurado na ang mga pabahay na itinatayo ng NHA ay de-kalidad at malapit sa mga pampublikong pasilidad,” ani GM Tai.

 

Pagkatapos ng inspeksyon na sinamahan ni Assistant General Manager Alvin S. Feliciano, pinangunahan din ni GM Tai ang inagurasyon at seremonya ng paggugupit ng laso para sa bagong Tanggapan ng NHA-NCR-North Sector sa Brgy. North Bay Boulevard South, Lungsod ng Navotas.

 

Ayon kay GM Tai, ang bagong opisina ay isang mahalagang hakbang upang mas mailapit sa publiko, stakeholders, at mga benepisyaryo ang mga serbisyo ng NHA, at matiyak na mas madali nilang maa-access ang mahahalagang programa, suporta, at iba pang kinakailangang mapagkukunan.

 

“Ipinatayo po natin ang gusaling ito upang mas lalo pa nating mailapit sa publiko’t benepisyaryo ang mahusay at maaasahang serbisyo ng NHA,” diin ng GM Tai. (PAUL JOHN REYES)