GM TAI, NAG SITE VISITS AT INSPECTIONS SA ILANG PROYEKTO NG NHA SA PAMPANGA
- Published on January 13, 2026
- by @peoplesbalita
SINIMULAN ni National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben A. Tai ang pagbubukas ng bagong taon sa pamamagitan ng mga site visits at inspections sa iba’t ibang proyektong pabahay sa lalawigan ng Pampanga.
Binisita ni NHA GM Tai, kasama si NHA Region 3 Regional Manager Ar. Ma. Fatima T. dela Cruz, ang estado ng konstruksyon sa San Fernando View Residences (SFVR) Phase 1 sa Brgy. Panipuan, Mexico. Ang proyekto ay pinondohan ng Department of Transportation (DoTr) at nakalaan para sa mga pamilyang maaapektuhan ng pagsasagawa at pagtatayo ng Philippine National Railway’s (PNR) North-South Commuter Railway project. Sa kasalukuyan, nasa 70% ang natapos na sa Low-Rise Building project na ito.
Pumunta rin si GM Tai sa iba pang lote na pagtatayuan ng iba pang DoTr-funded na proyekto. Kabilang dito ang San Fernando View Residences (SFVR) Phase 4 na matatagpuan sa Mexico at ang minumungkahing lote para sa pagtatayuan ng Casa de Angeles sa Angeles City.
Kasunod nito, binisita rin ni GM Tai ang lote ng NHA sa Mabalacat Pampanga na siya naman minumungkahi ng NHA Region 3 para sa pagtatayuan ng Mabalacat Enclaves. Ang proyekto ay nakalaan para sa mga pamilyang nakatira malapit sa daluyan ng tubig at mapanganib na lugar. Katabi ng proyektong ito ang isa pang resettlement site ng NHA, ang Mabalacat Northville 16.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni GM Tai na ang NHA ay nagsasagawa ng aktibidad na ito upang matiyak ang kalidad at kaligtasan ng mga gusaling itatayo, gayundin upang masuri ang estado ng konstruksyon at lokasyon ng pabahay. Nilalayon din nito na personal niyang malaman at matukoy ang mga urgent concerns ng rehiyon, upang masuportahan at matulungan sila sa pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng gobyerno at ng lokal na pamahalaan.
“Alinsunod po sa bisyon ng ating Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Housing Program, patuloy po ang pagsasagawa namin ng mga kahalintulad na site visits, inspections at project monitoring upang masuri namin ang kasalukuyang kalagayan ng relocation site at matukoy ang mga loteng aming pagtatayuan ay naayon at ligtas para sa programang pabahay ng gobyerno na nakalaan para sa ating mga kababayan,” ani ni GM Tai.
“Sa kasalukuyan po ay may mga naka-linya na kaming mga inspection activities, maging ang construction ng mga housing units sa iba’t ibang sites sa bansa para makumpleto na namin ang imbentaryo ng pabahay at para maihanda na namin ang agarang disposisyon ng mga ito para sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng ahensya,” dagdag ni GM Tai.
Ang NHA ay isa sa mga Key Shelter Agencies na pinapatnubayan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na pinamumunuan ni Secretary Jose Ramon P. Aliling.
(PAUL JOHN REYES)