• October 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 23, 2025
    Current time: October 23, 2025 12:40 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Ginawa ang tribute film na ‘Faney’ para ihandog sa mga Noranian: RS, napahanga agad ni NORA sa una pa lang na pagkikita

SA pagsi-celebrate ng 72nd birthday nang namayapang Superstar at National Artist na si Nora Aunor last May 21, nag-premiere ang Faney (The Fan), na tribute film para kay Ate Guy, ginanap ito sa Gateway Cinema 11.
Ang Faney ay kuwento ng isang loyal fan ni Nora, na ginagampanan ng kinikilalang director-actress na si Laurice Guillen bilang Milagros/Lola Bona.
Sa araw ng pagkamatay ni Ate Guy, labis na nasaktan si  Milagros sa naturang balita.  Binubuksan nito ang kahon ng mga emosyon at alaala para sa kanyang idolo — isang mapait na halo ng ilang bagay na mas gusto niyang kalimutan.
Pinagbawalan siya ng anak na si Babette (Gina Alajar) na pumunta sa public viewing dahil kaka-angioplasty lang ni Milagros at nangangailangan ng mas mahabang panahon para maka-recover.
Plano niyang lumabas at kumbinsihin ang kanyang apo na si Beatrice (Althea Ablan) na sumama sa kanya.   Alam ni Milagros na may sama pa rin si Babette kay Nora dahil noong bata pa siya, palagi itong iniiwan sa kapitbahay, at nawala pa siya sa isang fan meet.
Si Beatrice ay isa ring malaking KPop at PPop fan at siya mismo ay naghahanda na rin para sa isang fan meet.  Nagpapaliwanag si Milagros at sinubukang manalo kay Beatrice habang inaalala ang Noramania na naranasan niya noon sa huli.
Ang mga sandali at pagpapalitan ng mga kuwento sa pagitan nina Milagros at Beatrice ay nagpapatibay ng agwat at pagkakatulad sa pagitan ng mga tagahanga ng iba’t ibang henerasyon.
Sa wakas ay pumayag si Beatrice na ihatid ang kanyang Lola sa wake ngunit pagdating nila, ay inabutan na sila ng cut-off ng public viewing.  Nadurog ang puso, nangako si Beatrice na dadalhin ang kanyang lola sa libingan ni Nora.
Kasama rin sa cast sina Bembol Roco, Perla Bautista, Angeli Bayani at Roderick Paulate. May natatangi ring pagganap si Ian de Leon. Mula ito sa panulat at direksyon ni Adolf Alix Jr.
Ang Frontrow Entertainment, na pagmamay-ari nina RS Francisco at Sam Verzosa, ang isa sa producers ng FaneyKasama ang Intele Builders, Mobile Wolf at AQ Films.
Nakausap namin si RS bago magsimula ang screening, at inamin na sobra siyang happy sa cast ng Faney na pawang first choice sa kani-kanilang role na kinabibilangan nga nina Laurice, Gina, Perla, Angeli, Bembol at Roderick.
Alam mo ang sabi ko talaga kay direk Adolf, ‘kaya mo ba talaga ang casting? Hindi ko kinu-question yung timeline, kasi we made it, a week in a half, in less than ten days.
Tumango lang siya, confident din kasi siya.  Alam mo, the next day, okey na si Laurice, after ilang minutes okey na si Gina.  Tapos, okay na si ganito, at okay na yun iba pa, kaya sabi ko go na tayo.
Tapos yun para sa younger generation, siya na ang pumili. Sabi niya, may nakatrabaho na magaling na artista, bagay na batang fan, si Althea Ablan.
Kaya sabi ko, go, I trust you.  So, I gave him 99%.”
Nagkuwento naman si RS sa kanyang first encounter kay Ate Guy noong decade ’90.
“Si Ate nakilala ko noong 90s, inutusan kasi ako ng production na sunduin siya sa bahay niya sa La Vista.
“Nanghiram ako ng kotse para sunduin ang isang Superstar. Isang karag-karag na kotse. Paglabas niya ng bahay sa La Vista, hindi siya nagtanong kung sino ako. Anong credentials ko.
“Ang sinabi lang niya, ‘Ikaw po ba ang susundo sa akin?’ Hindi niya tinanong kung maganda ang kotse ko, sumakay lang siya. 
“At habang lumalabas kami ng La Vista, umilaw yung gas, empty na. Sabi ko, magpa-gas muna kami sa gasoline station, tabi ng simbahan.”
Nasaksihan ni RS ang pagiging matulungin ni Ate Guy.
“Nagpa-gas ako. E, yung kotse, walang tint,” lahad ni RS.
“Merong mga bata nagbebenta ng sampaguita. Sumilip, sumigaw, ‘Si Nora Aunor!’ Wala pang two minutes, kinukuyog na yung karag-karag na kotse.
“Ang initial reaction ko po, paandarin, bayaran, umalis dahil nagkakagulo yung mga bata.
“Pero ang sabi sa akin ni Nora, ‘Kuya…’ Hindi niya kasi ako kilala. ‘Kuya, huwag ka munang aalis, ha?
“Bumaba siya ng kotse. Pinapila niya lahat ng mga bata, at dumukot siya ng wallet niya. At gamit yung pera niya, binigay niya lahat ng pera niya. Beinte, singkuwenta, isang daan…
“At ako po mismo ang nakakita kung gaano ka-selfless ang isang Superstar. Hindi niya tinigil ang pagbigay ng pera hangga’t di naubos yung laman ng pitaka niya.”
Ayon pa kay RS. “At mula nun, dun ko na-realize kung bakit ang dami sa buong mundo na nagmamahal sa kanya.
Ibinahagi rin niya na noong 2019, bago mag-pandemic, plano raw nilang kuhanin sana sina Nora at Vilma Santos para sa isang campaign ng Frontrow.
“Kausap na po namin sila parehas, nagkaroon lang ng pandemic. Sayang… So sana, kahit dito, makabawi man lang kami para sa ating Superstar,  say pa niya. 
Dagdag pa ni RS, isa lang po itong maliit na handog.  A humble offering namin hindi para kay Ate Guy, kundi para daan-daang libo if not million all over the world or the universe rather. Dahil marami talagang Noranians na naghihintay na mapanood ang Faney.
“In fact, marami ng nagmi-message sa akin, kung kailan ang screening after ng premiere night na ito (May 21).  Pero hindi ko pa masagot, dahil parang wala pang plano.  Depende rin sa reception at kung nagustuhan ng mga unang nakapanood.”
Ayon pa kay RS, ginawa nila ang Faney para sa lahat ng nagmamahal sa National Artist at Superstsr sa buong mundo, na dapat talaga bilang mapanood. Dahil sigurado kaming maaaliw at makaka-relate sila.

 

Pahayag pa ni RS, “Ito ang legacy project natin kasama rin si SV sa movie na ‘to.”

(ROHN ROMULO)