• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 2:55 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Ginang, kulong sa higit P1.6M shabu, ecstasy, at marijuana oil sa Navotas

UMABOT sa mahigit P1.6 milyong halaga ng illegal na droga ang nasamsam sa isang babaeng drug suspects matapos malambat ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Navotas City, Miyerkules ng madaling araw.

          Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Jerry Protacio, kinilala ni Navotas Police OIC chief P/Col. Renante Pinuela ang naarestong suspek na si alyas “Rose”, 47-anyos.

          Ayon kay Col. Pinuela, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Navotas police na sangkot umano sa pagbebenta ng shabu, marijuana oil at ecstasy ang suspek kaya isinailalim nila ito sa validation.

          Nang positibo ang ulat, ikinasa ng mga tauhan ni Col. Pinuela ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA matapos magawang makipagtarnsaksyon sa suspek ng isa sa mga operatiba ng SDEU na nagpanggap na buyer.

          Matapos umanong tanggapin ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng ibinenta niyang droga, agad siyang inaresto ng mga operatiba ng SDEU sa H. Lopez Street, Brgy. San Rafael Village, dakong alas-2:57 ng madaling araw.

          Nakuha sa suspek ang nasa 73.65 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P500,820.00, 302 tablets ng suspected ecstasy na nasa P513,400.00 ang halaga, 90 vape cartridges ng umano’y marijuana oil na nagkakahalaga ng P630,000.00 at marked buy-bust money.

Nakatakdang sampahan ng pulisya ang suspek ng kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Navotas City Prosecutor’s Office sa pamamagitan ng inquest proceedings.

Pinuri naman General Protacio ang mga arresting team para sa kanilang pagbabantay at koordinasyon.

“This arrest demonstrates our unrelenting commitment to justice and public safety. Our operatives, together with our partner agencies, continue to work tirelessly to locate and apprehend individuals who attempt to evade the law.” pahayag niya. (Richard Mesa)