Gilas optimistiko sa Olympic qualifiers
- Published on July 2, 2021
- by @peoplesbalita
Sa kabila ng kaliwa’t kanang injuries sa lineup, nananatiling mataas ang moral ng Gilas Pilipinas na haharap sa mga bigating tropa sa FIBA Olympic Qualifying Tournament na pormal nang lalarga ngayong araw sa Belgrade, Serbia.
Posibleng hindi makalaro si Dwight Ramos na may iniindang groin injury habang napasama pa sa injury list ng Gilas Pilipinas si naturalized player Angelo Kouame na nananakit ang tuhod.
Nauna nang nagtamo ng injury si Carl Tamayo na nagtamo naman ng ankle sprain sa laban ng Gilas Pilipinas kontra Indonesia sa FIBA Asia Cup Qualifiers noong nakaraang linggo.
Aminado si Gilas Pilipinas head coach Tab Baldwin na malaking dagok ito sa koponan lalo pa’t hindi basta basta ang mga koponang makakalaban sa Olympic qualifiers.
“We’re banged up. There’s no question we came out in the third window limping. Ange Kouame is nursing is a deep knee bruise, deep knee contusion that he got in the third window and he’s not at full speed,” ani Baldwin.
Sa kabila ng lahat, buhay na buhay ang dugo ng Gilas Pilipinas na excited nang makipagsabayan sa mga veteran players ng Serbia at Dominican Republic.
Bitbit ng Gilas Pilipinas ang pusong palaban na siyang mantra ng koponan sa kanilang mga international tournaments.