Gilas nakatutok sa playoff stage
- Published on July 19, 2022
- by @peoplesbalita
SESENTRO na ang atensyon ng Gilas Pilipinas sa krusyal na playoff stage ng FIBA Asia Cup sa Istora Gelora Bung Karno sa Jakarta, Indonesia.
Wala nang puwang ang anumang kabiguan sa playoffs kung nais ng Pinoy squad na makapasok sa quarterfinal stage ng torneo.
Makakasagupa ng Gilas Pilipinas sa playoffs ang matatalo sa Iran at Japan.
Nakatakdang magharap ang Iran at Japan kahapon gayundin ang Gilas Pilipinas at New Zealand para sa puwestuhan sa group stage.
Anuman ang mangyari sa final day ng group stage ay kailangan na itong kalimutan ng mga Pinoy cagers upang tutukan ang mas mabigat na laban sa playoffs.
“We have a very young team here, and for them to be able to experience this kind of very high-level competition, I think that’s the most important thing,” sabi ni Gilas head coach Chot Reyes.
Naniniwala si Reyes na hindi basta-basta susuko ang kanyang mga bataan na binubuo ng mga bagitong players.
Bitbit ng tropa ang pusong palaban na inaasahang magdadala sa kanilang mga laro.
“No matter how difficult it is and adversity, we have a chance. For as long as we have a shot to have a chance. For as long as we have that shot, we’ll take it,” ani Reyes.
Nais ng Gilas Pilipinas na malampasan ang seventh-place finish sa huling edisyon ng FIBA Asia Cup noong 2017 sa Lebanon.
“We’d rather take that shot then miss than not take it. Right there, bashers and haters and all, we’d rather take that shot then miss than not take it,” ani Reyes.
Gusto ni Reyes na may matutunan sa torneo ang mga bagitong players para sa mas malalaking torneong lalahukan ng Gilas Pilipinas kabilang na ang 2023 FIBA World Cup na idaraos sa Pilipinas.