Game 7 ng PBA Philippine Cup Finals tinunghayan ng 6.9 milyong viewers
- Published on September 9, 2022
- by @peoplesbalita
KABUUANG 6.9 milyong viewers ang tumunghay sa ‘winner-take-all’ Game Seven ng San Miguel at TNT Tropang Giga sa 2022 PBA Philippine Cup Finals noong Linggo.
Bukod pa ito sa 15,195 live audience na sumugod sa Smart Araneta Coliseum para personal na saksihan ang 119-97 pagsibak ng Beermen sa Tropang Giga sa nasabing laro.
Tinutukan ng 6.9 milyong basketball fans sa free-to-air channels ng TV5 at One Sports ang huling duwelo ng SMB at TNT sa kanilang best-of-seven championship series .
Ang 6.85% na average minute TV rating ang ikaanim sa top-ranked program noong Linggo sa lahat ng mga networks at channels sa bansa.
Hindi pa kasama ang mga social media views sa Smart Giga Play at SMART Sports Facebook page pati na ang cable channel na PBA Rush.
Diniskaril ng Beermen ang hangad na back-to-back Philippine Cup championship ng Tropang Giga na hindi nagabayan ni coach Chot Reyes matapos isailalim sa PBA health and safety protocols isang araw bago ang Game Seven.
Ibinigay ni veteran point guard Jayson Castro ang lahat ng kanyang makakaya kahit na may sprained right ankle na natamo sa Game Five para sa PLDT franchise.
Tumapos ang 36-anyos na si Castro na may game-high na 32 points.
Nakamit naman ng SMC franchise ang kanilang ika-10 All-Filipino Cup title at pang-28 sa kabuuan.
Kasalukuyang nasa break ang SMB at TNT bago sumalang sa ensayo para sa darating na 2022 PBA Commissioner’s Cup na didribol sa Setyembre 21.