• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Gabriela Women’s Partylist, dismayado sa kabiguan ng 19th Congress na maipasa ang mga panukalang reporma

DISMAYADO si Gabriela Women’s Partylist Rep. Arlene Brosas sa kabiguan ng 19th Congress na maipasa ang mga panukalang reporma at kontrobersiyal na paghawak ng senado sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Nag-adjourned sine die ang kongreso ng hindi naipasa ang dalawang panukalang batas, ang panukalang P200 daily minimum wage hike para sa private sector workers at Absolute Divorce Bill, kapwa ipinanukala ng mambabatas.

“Bilang miyembro ng bicameral panel, ipinaglaban namin sa Gabriela Women’s Party ang legislated wage increase na matagal nang hinihintay ng ating mga manggagawa. Ang kabiguang ipasa ito ay malinaw na kawalan ng malasakit sa mga minimum wage workers na patuloy na namumuhay sa kakarampot na sahod,” ani Brosas.

Isinusulong ng kamara ang panukalang P200 daily increase na doble sa panukalang P100 dagdag sahod ng senado, ngunit walang naganap na pinagka-isa o inamyendahang panukala na naisumite sana kay Pangulong Marcos para malagdaan.

Ikinalungkot din nito ang kawalang aksyon ng senado sa Absolute Divorce Bill, na nanatiling nakabinbin sa kabila ng malawakang suporta ng publiko at matagumpay na pagkakapasa sa Kamara.

“Ang pagtanggi ng Senado na ipasa ang Absolute Divorce Bill ay pag-abandona sa mga kababaihang biktima ng karahasan at mga pamilyang nangangailangan ng pangalawang pagkakataon sa buhay. Sa buong mundo, tayo na lang at ang Vatican ang walang divorce—isang malaking kahihiyan at inhustisya,” pahayag nito.

Dagdag pa ang pagkabinbin ng impeachment case laban kay Vice President Duterte na ibinalik sa kamara, isang aksyon na nakitan ng mga legal scholars na unconstitutional.

“Mahiya naman kayo. Hindi tungkulin ng Senado na ibalik ang mga artikulo ng impeachment. Maliwanag sa Konstitusyon na eksklusibong kapangyarihan ng House ang magpasimula ng impeachment, at ng Senado ang maglitis. Ang ginawa nila ay malinaw na paglabag sa proseso at sa Saligang Batas,” diin ni Brosas.

Halata aniyang minaniobra umano ng senado ang impeachment trial para hindi matuloy na isang paglabag sa due at panawagan ng publiko na accountability.

Nanawagan naman ang mambabatas sa papasok na ika-20th kongresso na iprayoridad at agad ipasa ang panukalang wage hike at divorce bill.

“Dapat kumilos ang parehong Kapulungan para hindi mauwi sa wala ang pinaghirapang ilaban ng taumbayan. Hindi puwedeng hayaan na manaig ang pulitikang makasarili sa halip na tunay na hustisya at kapakanan ng masa,” pagtatapos ni Brosas. (Vina de Guzman)