• October 17, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Gabriela Women’s Party kinondena ang mga pahayag sa podcast ng Machong Chismisan sa anak ni Kris Aquino

MARIING kinokondena ng Gabriela Women’s Party ang mga pahayag sa podcast na Machong Chismisan na nangutya kay Josh Aquino, anak ni Kris Aquino.

Ayon kay Gabriela Partylist Rep. Sarah Elago, ang pagtawag sa kanya ng “walang kuwenta” at paggamit sa kanyang kapansanan bilang katatawanan ay tahasang pang-iinsulto at diskriminasyon.

Sinabi pa nito na ang ganitong uri ng content ay nagpapalakas ng maling paniniwala na mas mababa ang halaga ng mga taong may kapansanan.

“Nagpapalaganap ito ng stigma. Nagtutulak ito sa mga PWDs sa mas matinding diskriminasyon sa trabaho, sa paaralan, sa komunidad, at maski online. Kaya naman, ang paggawa ng content ay may kaakibat na pananagutan at dapat kilalanin ng mga sangkot ang pinsala ng kanilang mga pahayag” anang mambabatas.

Hindi aniya maaaring magtago ang sinuman sa likod ng pagdadahilan na para sa views o katatawanan lamang.

Sinabi pa nito na hindi sukatan ng pagpapatawa ang kakayahang manghiya at mangmaliit ng kapwa at hindi rin katanggap-tanggap ang anumang uri ng diskriminasyon.

“Sa loob at labas ng Kongreso, sama-sama nating labanan ang diskriminasyon. Patuloy nating isulong ang masusing implementasyon ng Magna Carta for Persons with Disabilities at tiyakin ang pagtataguyod ng mga karapatan at dignidad ng mga taong may kapansanan,” pagtatapos ni Elago. (VINA de GUZMAN)