• March 11, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

‘Free mass testing’ giit ng grupo ngayong NCR Alert Level 3, COVID-19 surge

Dahil sa biglaang pagtaas ng COVID-19 cases nitong holiday season, naninindigan ang grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) na isakatuparan ang libreng mass testing laban sa sakit — bagay na hindi pa rin ibinibigay ng gobyerno hanggang ngayon.

 

 

Linggo lang nang umabot sa 4,600 ang bagong COVID-19 cases sa Pilipinas, ang pinakamarami simula pa noong ika-24 ng Oktubre. Naglalaro lang sa mas mababa sa 500 ang bagong kaso nitong mga nakaraang linggo.

 

 

“Ngayong may panibagong surge sa kaso ng COVID-19, dapat isagawa ang libre at malaganap na COVID testing sa Pilipinas, para matukoy ang kaso ng COVID at mapigilan ang paglaganap nito,” ani BAYAN secretary general Renato Reyes Jr., Lunes, sa isang paghayag.

 

 

“We have to assume there is already local transmission of the Omicron variant. Mas nakakahawa ito kaya mas dapat pag ibayuhin ang testing.”

 

 

Matatandaang Setyembre 2020 lang nang ibasura ng Korte Suprema ang isang petisyon na humihiling sa gobyerno ng mass testing laban sa COVID-19. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)