First Lady, planong bigyan ang mga kabataang pinoy ng ‘better access’ sa healthcare services – Malakanyang
- Published on August 29, 2025
- by @peoplesbalita

Ang pagpupulong ay isinagawa sa FL Office sa Maynila noong Aug. 26, sumentro sa plano ng Unang Ginang na bigyan ang mga kabataang Filipino ng ‘better access’ sa healthcare services at abot-kayang medisina.
“Sa hangaring mabigyan ng pangalawang pagkakataon sa buhay ang mga kabataang nangangailangan ng liver transplant, nakipagpulong si First Lady Liza Araneta-Marcos sa mga negosyante at top doctors from India,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
“Ayon sa First Lady, ang pakikinig sa mga hinaing ng taumbayan na napipilitang magpagamot sa ibang bansa na nagbibigay-inspirasyon sa kaniya upang dalhin ang pag-asa dito sa Pilipinas,” aniya pa rin.
Ani Castro, binigyang-diin ng Unang Ginang na ang pagliligtas ng mga buhay, gawing mas abot-kaya ang halaga ng mga gamot at pagtatatag ng medical services ay ang mga pangunahing layunin nito para sa mga kabataang Filipinong pasyente na labis na nangangailangan.
Sa kabilang dako, nagpasalamat naman ang Unang Ginang sa mga Indian business leaders at medical professionals para sa kanilang napakahalagang kadalubhasaan.
Winika ni Castro na kumpiyansa ang Unang Ginang na ang kanyang pananaw para sa kalusugan ng mga kabataang Filipino ay malapit nang maisakatuparan.
Samantala, ang pagpupulong ay kasunod ng kamakailan lamang na pagbisita niya sa India kasama si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nito lamang unang bahagi ng buwan. ( Daris Jose)