FIRE INSPECTOR, NAHATULANG GUILTY
- Published on August 13, 2025
- by @peoplesbalita
NAHATULANG guilty sa grave misconduct ang isang Fire Inspector na naaresto ng National Bureau of Investigation -Central Visayas Regional Office dahil sa robbery/extortion.
Nag-ugat ang operasyon kasunod ng reklamong inihain ng aplikante ng BFP laban kay Roy Sangueza Mat. Castro sa umano’y pangingikil sa isang aplikante.
Ayon sa NBI, hiningan ni Castro ang aplikante ng malaking halaga kapalit ang ‘approval’ ng kanyang aplikasyon.
Giit ng complainant, naisumite na ang lahat ng kanyang requirements at kwalipikado naman para sa posisyong inaaplayan.
Hinala niya na ang aplikasyon niya’y hindi naaprubahan o ‘denied’ dahil sa kawalan aniya ng ‘backer’.
Dito naibahagi ng complainant na hiningan umano siya ni Castro ng P400,000 bilang ‘thanksgiving money’ sa pagkakapasok nito sa final roster ng mga kandidato para Fire Safety Officers.
Ito ang dahilan kaya agad na ikinasa ng NBI ang ‘entrapment operation’ sa Cebu City na nagresulta naman sa pagkakaaresto sa naturang opisyal ng BFP.
Kasong paglabag sa Section 3 ng R.A. No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Direct Bribery, at Grave Misconduct sa office of the Ombudsman ang kinakaharap ng opisyal.
Sa resolusyong inilabas naman ng Ombudsman, napatunayang ‘liable’ si Roy Sangueza Castro, opisyal ng BFP sa paglabag ng Section 7 (d) ng R.A. No. 613 at Grave Misconduct.
Bukod dito, natanggal din mula sa serbisyo ang naturang opisyal at naparusahan pa ng ‘perpetual disqualification’ na makaupong muli sa anumang posisyon sa gobyerno, kasama ang ‘forfeiture’ ng retirement benefits at kanselasyon ng Ciivil Service Eligibility nito. (Gene Adsuara)