• February 14, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

FDNY MOVEMENT, LIDER NG IBA’T IBANG MAKABAYANG GRUPO NAGPASALAMAT SA SENADO DAHIL SA PAGPAPATIBAY NG RESOLUSYON BLG. 37

BUONG pagkakaisang pinupuri at pinasasalamatan ng Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement, kasama ang mga lider ng iba’t ibang samahan — Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), Liga Independencia ng Pilipinas Youth (LIPI Youth), Kabataang Artista, Manunulat, at Mananayaw para sa Sining at Kultura (KaMaSKaRa), Alyansa ng Kabataan sa Komunidad (AKK), Liga ng Magkakapitbahay sa Parola Binondo (LMPB), Cavite Volunteers and Runners for WPS, Katipunan ng Responsableng Maralita para sa Bayan (KARAMAY), mga Loyalista, at BBM Calamba Warriors — ang Senado ng Republika ng Pilipinas sa pagpapatibay ng Resolusyon Blg. 37, na kumokondena sa hindi katanggap-tanggap na asal at mga pahayag ng Embahada ng Tsina laban sa mga opisyal at institusyon ng ating pamahalaan.

Ang hakbang na ito ay malinaw na patunay na naninindigan ang Senado sa pagtatanggol sa pambansang soberanya, dignidad, at karapatan ng sambayanang Pilipino. Sa gitna ng patuloy na panghihimasok, pananakot, at agresyon sa West Philippine Sea ng mga sasakyang pandagat ng Tsina, mahalaga ang isang matatag at nagkakaisang tinig mula sa ating mga institusyon at mamamayan.

Atin ang West Philippine Sea at ang Kalayaan Island Group, hindi lamang bilang usapin ng teritoryo kundi bilang simbolo ng ating kasarinlan, dangal at kinabukasan.

Ang ating paninindigan ay nakabatay sa pandaigdigang batas, kabilang ang UNCLOS at ang 2016 Arbitral Award, na malinaw na kumikilala sa ating mga karapatan sa loob ng ating Exclusive Economic Zone.

Hindi kami nananawagan ng digmaan. Ang aming panawagan ay kapayapaang nakabatay sa batas at paggalang sa soberanya. Ngunit sa harap ng pambubully at paninindak hindi kami tatahimik, hindi kami magpapasupil at hindi kami susuko.

Ang sama-samang pagkilos na ito ay simbolikong pagpapahayag ng suporta sa Senado at matibay na mensahe sa buong mundo, nagkakaisa ang sambayanang Pilipino sa pagtatanggol sa ating karagatan at teritoryo.

Sa harap ng agresyon at maling impormasyon, ang katotohanan ang aming sandigan.
Sa harap ng pananakot, ang pagkakaisa ang aming lakas. Sa harap ng panghihimasok, ang bayan ang magpapasya.
(PAUL JOHN REYES)