Fahrenheit Cafe and Fitness Center sa E. Rodriguez, QC ipinasara ng QC LGU
- Published on August 28, 2024
- by @peoplesbalita

IPINASARA ng QC Local Government ang Fahrenheit Cafe and Fitness Center (F Club) sa E. Rodriguez Sr. Avenue, Quezon City.
Ito ay nang tumanggi ang nasabing establisimyento na makipagtulungan na papasukin ang contact tracing team ng City Epidemiology and Surveillance (SECU) Division para magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa sakit na Monkey Pox o “MPOX”.
Ayon sa QC LGU, nabigo umano ang SECU Division ng City Health Department na makapagsagawa ng contact tracing sa F-Club bilang tugon sa kautusan ng Department of Health para sa posibleng mpox transmission.
Sinabi ni Mayor Joy Belmonte, ang pagtanggi ng F-Club sa isinasagawang contact tracing efforts ay nagpaantala sa pagtugon at imbestigasyon ng lokal na pamahalaan na maituturing na banta sa kalusugan at kapakanan ng mga mamamayan ng lungsod.
Dahil dito, hinimok ni Mayor Belmonte ang may-ari ng establisimyento at ang mga residente na makiisa sa mga health event investigation ng lokal na pamahalaan.
Ipinaliwanag ni Belmonte na ang bawat responsibilidad ay kanilang ginagampanan upang matiyak na maprotektahan at maging ligtas ang lahat ng mamamayan sa Quezon City. (PAUL JOHN REYES)