Expansion ng PGH, itinulak ni Bong Go
- Published on February 15, 2024
- by @peoplesbalita
ISINULONG ni Senator Christopher “Bong” Go, chair ng Senate committee on health and demography, ang legislative bill na naglalayong dagdagan ang bed capacity ng Philippine General Hospital (PGH).
Mula sa kasalukuyang 1,500 beds nais ni Go na gawing 2,200 bed capacity ang PGH bilang bahagi ng ang kanyang layunin na palakasin ang imprastraktura ng healthcare service sa bansa para sa mga kapus-palad na pasyente.
Inihain ni Go noong Miyerkules, Pebrero 7, ang Senate Bill No. 2539 bilang tugon sa lumalaking pangangailangan para sa mga serbisyong medikal. Titiyak din ito na mas maraming Pilipino ang magkakaroon ng access sa de-kalidad na healthcare services.
Binibigyang-diin din nito ang mahalagang papel ng PGH bilang pangunahing pasilidad ng pampublikong kalusugan sa bansa.
Ayon kay Go, ang PGH ay kinukunsidera bilang pinakamalaking government tertiary hospital sa bansa at nangunguna sa pagbibigay ng pangangalagang medikal sa libu-libong Pilipino, lalo sa mga mahihirap, sa pagtaas ng populasyon at pagtaas ng saklaw ng iba’t ibang mga kondisyon ng kalusugan.
Anang senador, panahon na para matulungan ang ospital na makatugon sa lumalaking pangangailangan ng mga Pilipino.
Dahil dito, hinikayat ni Go ang mga kasama niya sa Senado at iba pang sektor na suportahan ang panukalang batas na ito.