Estudyante na tumalon sa Tullahan River sa Valenzuela, sinagip ng 2 pulis
- Published on July 14, 2025
- by @peoplesbalita
NAKALIGTAS mula sa posibleng pagkalunod ang isang binatilyong estudyante na tumalon sa Tullahan River, makaraang masagip siya ng dalawang rumespondeng pulis sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela Police OIC chief P/Col. Gerson Bisayas, noong July 11, 2025, habang nagpapatrolya sina PSSg Alvaro Vargas Jr, at Pat Crizald Kevin Flores, kapwa nakatalaga sa Patrol Base (PB)-2, Gen. T. De Leon nang makatanggap sila ng tawag mula sa Station Tactical Operation Center (STOC) ng Valenzuela VCPS hinggil sa pagtalon ng isang binatilyo sa Tullahan River sa Brgy. Gen T De Leon.
Kaagad namang rumesponde ang dalawang pulis at pagdating sa lugar, agad tumalon si PSSg Vargas at Pat Flores sa ilog nang makita nila ang binatilyo na lumalangoy palayo saka pinagtulungang iahon bago dinala sa police station sa 3S Center ng Gen T De Leon.
Kinilala ni P/Capt. Anthony Campado, hepe ng PB-2 ang binatilyo na si alyas “Migs”, 16, residente ng Tullahan Road, Sta. Quiteria, Caloocan City.
“Maayos naman po ang kalagayan niya kaya pinapaligo po namin siya, binigyan po namin ng damit at pinapakain din po namin pero ayaw po niya,”ani Capt. Campado.
Sinabi pa ni Capt. Campadop na tila may malaking problema ang bata kaya personal nilang pinuntahan ang ama ni ‘Migs’ sa kanilang tirahan at ipinaalam ang pangyayari.
Matapos nito, dinala ng pulisya sa Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) ang binatilyo, kasama ang kanyang ama upang sumailalim sa counseling at iba pang pangangailangan ng bata.
Ayon Col. Bisayas, ang insidente ay itinawag sa 911 at base sa record ng STOC, iniradyo nila ang insidente nang 4:59 ng hapon, at nakarating sa lugar ang mobil ng pulisya nang 5:01 ng hapon.
“Bale ang sistema po kasi, kapag may mga ganoong emergency, tinitignan po namin ‘yung deployment plan, kaya kung sino po ‘yung nasa pinakamalapit na lugar, ‘yun po agad ang niraradyuhan namin,” paliwanag ng STOC. (Richard Mesa)