Epifanio Delos Santos, dineklara bilang Local Hero ng Malabon LGU
- Published on July 16, 2025
- by @peoplesbalita
SA isang makasaysayang hakbang para parangalan ang lokal na pamana at magbigay ng inspirasyon sa mga susunod na henerasyon, opisyal na idineklara ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang kilalang mananalaysay at manunulat na si Epifanio Delos Santos bilang Lokal na Bayani, na kinikilala ang kanyang mga kontribusyon sa panitikan, kultura, at pambansang pagkakakilanlan ng Pilipinas.
Sa pamamagitan ng City Ordinance No. 12-2025 na nilagdaan ni Mayor Jeannie Sandoval, kinilala si Epifanio de los Santos bilang Lokal na Bayani ng Malabon, at nag-uutos sa lahat ng Malabueño na bigyan siya ng paggalang, karangalan, at pagkilalang nararapat sa kanya, na ang kanyang pangalan ay sumisimbolo sa pagmamalaki ng lungsod sa pambansa at internasyonal na mga komunidad para sa mga susunod na henerasyon.
“Ating pinapahalagahan ang naging buhay, pananaw at kontribusyon ng ating mga bayani na masasabi nating nagbigay ng daan para sa mas malayang Pilipinas. Kaya naman po, ating kinikilala ang dakilang si Epifanio Delos Santos na isang Malabueno, bilang bayani para sa kanyang mga naiambag sa ating lipunan lalo na sa edukasyon ng mga kabataan, kalayaan, at pagpapaunlad ng ating bayan,” ani Mayor Jeannie.
Si Epifanio Delos Santos (1871–1928), ay ipinanganak sa Malabon at kilala ring abogado, civil servant at iskolar na Pilipino.
Isa rin siyang mahusay na editor at nag-ambag sa iba’t ibang rebolusyonaryo at repormista na mga publikasyon noong panahon ng Kastila at Amerikano.
Naglingkod din siya bilang Gobernador ng Nueva Ecija, miyembro ng Philippine Assembly, at Direktor ng Philippine Library and Museum (ngayon ay National Library).
Inialay niya ang kanyang buhay sa pagpapanatili ng kulturang Pilipino, pagtataguyod ng nasyonalismo at edukasyon, at pagpapalalim ng pag-unawa sa pagkakakilanlan at pamanang Pilipino.
Upang i-immortalize ang kanyang legacy, maglalagay ang local na pamahalaan sa lungsod ng isang legacy marker na nakasulat sa kanyang pangalan, petsa ng kapanganakan, kamatayan, at kanyang mga nagawa. Ang mga estatwa, bust, at iba pang pampublikong likhang sining ay dapat ding italaga upang gunitain ang kanyang buhay at mga kontribusyon sa lungsod at Pilipinas.
Ayon sa pamahalaang lungsod, Abril 7, ang kanyang kaarawan, na ipagdiriwang bilang “Epifanio de los Santos Day,” isang espesyal non-working holiday sa Lungsod ng Malabon.
Samantala, sinabi ni City Administrator Dr. Alexander na ang ikatlong linggo ng Abril ay gaganapin taun-taon na “Malabon Historical Week” bilang pagkilala sa kanyang namamalaging pamana bilang isang nasyonalista, Filipino enthusiast, and foremost Filipino historian.
Para matiyak aniya ang pagpapatupad nito, itinalaga ang City Tourism and Cultural Affairs Office (CTCAO) bilang pangunahing ahensya na mangasiwa sa paglikha ng mga gawa ng sining at pag-unlad ng mga programa at aktibidad ng socio-economic, historikal, at kultural na may kaugnayan sa legacy at mga gawa ng Epifanio de los Santos.
Noong 2024, inilunsad ng pamahalaang lungsod ang Natatanging Epifanio Delos Santos Gawad Parangal upang kilalanin ang mga namumukod-tanging Malabueno na nagpakita ng kahusayan at dedikasyon sa kani-kanilang larangan, na nagbibigay-inspirasyon sa lokal na pamahalaan. (Richard Mesa)