El Niño mararanasan hanggang 1st quarter ng 2024 – PAGASA
- Published on March 25, 2023
- by @peoplesbalita
ITINAAS na ng PAGASA ang El Niño watch sa bansa makaraang mabanaagan ng ahensiya na magiging mainit ang kundisyon sa klima na mararanasan sa iba’t ibang lugar sa susunod na mga buwan.
Sa press conference sa Quezon City, sinabi ni Dr. Vicente Malano, PAGASA administrator na 55-percent ang probability na maranasan ng bansa ang El Niño phenomenon na magsisimulang mag-develop sa buwan ng Hulyo, Agosto hanggang Setyembre ngayong taon.
Batay sa pagtaya ng PAGASA, maaaring magtagal ng hanggang unang quarter ng 2024 ang panahon ng tagtuyot na walang gaanong ulan sa bansa.
Dahil dito, sinabi ni Malano na ngayon pa lamang ay dapat nang magplano ang mga concerned government agencies ng mga programa at maghanap ng paraan ang pubiko kung paano ang pagtitipid sa paggamit ng tubig.
Nitong Martes nang ideklara na ng PAGASA ang summer sa bansa.