• April 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Edukasyon, libre sa bagong Navotas Polytechnic College  

PINANGUNAHAN ni Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco ang pagbabasbas ng mga bagong pasilidad sa Navotas Polytechnic College na nagpapatibay sa pangako ng lungsod sa libreng de-kalidad na edukasyon, bilang bahagi ng ika-18th cityhood anniversary nito.

Nakiisa rin ang iba pang mga opisyal ng lungsod sa inagurasyon ng bagong NPC na may  28 classrooms, limang computer laboratories, tatlong science labs, isang speech lab, isang library, indoor at outdoor cafés, at isang gymnasium.

Ayon kay Mayor Tiangco, mananatiling libre ang pag-aaral sa NPC na hindi lang aniya nagtaas sila ng gusali, kundi binubuo rin ang kinabukasan ng mga kabataan.

Binigyang-diin din ni Mayor Tiangco na ang edukasyon ang naglalatag ng batayan para sa isang mas malakas, mas progresibong Navotas.

“Holistiko ang ating pagtingin sa edukasyon—hindi lang ito tungkol sa pagtatapos o pagkakaroon ng diploma. Gusto nating hubugin ang mga Navoteñong may pagpapahalaga sa life-long learning at may tamang pagpapasya para sa sarili, pamilya, at komunidad,” pahayag niya.

Samantala, sinabi ni Cong. Tiangco na tinugunan nito ang pamumuhunan ng lungsod ay idinisenyo para sa pangmatagalang panahon.

“Hindi lang ito para sa kasalukuyan. Ito ay paghahanda para sa kinabukasan ng ating mga kabataan at ng ating lungsod,” sabi niya.

“Sa bawat estudyanteng may natapos, may pamilyang umaangat, at may komunidad na mas umuunlad,” dagdag niya. (Richard Mesa)