EDSA rehab Phase 1 49.4% na, target matapos Hulyo 2026
- Published on February 18, 2026
- by @peoplesbalita
AABOT na sa 49.4% ang progreso ng Phase 1 ng rehabilitasyon ng EDSA at target itong makumpleto sa Hulyo 2026, ayon sa Department of Public Works and Highways.
Sa pulong-balitaan nitong Lunes, Pebrero 16, sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na halos kalahati na ang natatapos sa unang yugto ng pagsasaayos ng pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Ayon kay Dizon, layunin ng Phase 1 na tugunan ang mga sirang bahagi ng kalsada at pagandahin ang pangkalahatang kondisyon ng EDSA upang maging mas ligtas at mas maayos ang daloy ng trapiko.
Dagdag pa ng kalihim, nasa “final stages” na ang paghahanda para sa procurement ng Phase 2 ng proyekto, na magsasaklaw sa iba pang bahagi ng highway na nangangailangan ng rehabilitasyon.
Ang EDSA rehabilitation project ay bahagi ng mas malawak na programa ng pamahalaan para sa imprastraktura, na layong pahabain ang buhay ng kalsada at mabawasan ang abala sa mga motorista sa hinaharap.
(Daris Jose)