E-TRIKE BAN: PARA KALIGTASAN BA o NEGOSYO?
- Published on January 7, 2026
- by @peoplesbalita
AYON sa LTO ang istriktong panghuhuli at pag -impound ng mga e-trikes at e-bikes sa mga piling lansangan ay “for road safety considerations” and not for “business or revenue purposes”.
Ayon sa ahensya malaki ang “speedy discrepancy” ng mga e-trikes at four wheel vehicles kaya sa mga major roads ay mas malaki ang posibilidad ng aksidente at abala sa usad ng trapiko. Idagdag pa dito na ang mga drivers nito ay walang lisensya o rehistro.
Sa kabilang panig naman ay may mga economic at legal issues na dapat ikonsidera. Maraming masang Pilipino na gumagamit ng mga sasakyang ito para makatipid sa pasahe at umalwan ang kanilang byahe dahil sa hirap ng pagsakay sa public transport. Hindi rin daw naaayon sa Electric Vehicle Industry Development Act ( EVIDA law) and aksyon ng LTO dahil sa malabnaw at malabo ang polisiya. Ayon daw sa batas REGULATION AT HINDI PROHIBITION ang kailangan upang mabalanse ang safety concerns sa economic at legal concerns.
Ayon sa ‘MAKE IT SAFER MOVEMENT”, “it did not see the ban reducing road crashes and traffic” ( MOTORING TODAY).
Pero bakit kapag masa ang gumagamit at may pakinabang sa kanilang pamumuhay ay laging may reklamo sa paggamit nila?
Kaligtasan lang ba o may mas malalim pang dahilan?
Mahalaga maibalanse ang mga issues sa paggamit ng mga e-trikes at e-bikes. Hindi pwede na puro bawal, multa at huli lang.
Noon ay hinuhuli at ibinawal ang motorcycle taxi. Pero dahil sa pakikipaglaban ng sector ay na regulate ito at ngayon ay bahagi na ng public transport.
Noon ay bawal ang mga ride hailing app dahil mga colorum daw ito. Pero ngayon ay regulated na at libu-libo ang mga tumatangkilik dito at nagkahanap buhay ang mga TNVS.
Hindi safety lamang ang issue sa usaping ito. Buhay ng masang Pilipino ang apektado dito. ( Atty. Ariel Inton)