• March 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

E-CIGARETTE NA MAY THC NAKUHA SA 18-ANYOS AT ISA PA SA CEBU CITY

NASAMSAM ng mga awtoridad ang mga e-cigarette na naglalaman ng tetrahydrocannabinol (THC), isang aktibong sangkap ng marijuana, matapos ang ikinasang buy-bust operation noong Enero 28, 2026, bandang alas-10:55 ng gabi, sa kahabaan ng C. Padilla Street, Barangay Duljo, Cebu City.

Ang operasyon ay isinagawa ng mga operatiba ng PDEA Cebu Provincial Office, PDEA Intelligence Operation Unit, at Cebu City Police Office Station 11, na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang indibidwal habang ang isa ay nakatakas.

Kinilala ni PDEA Region 7 Regional Director Joel B. Plaza ang dalawang inarestong suspek bilang sina alias Finley, 18 taong gulang, isang ALS student at residente ng Sitio Plastican, Barangay Duljo, Cebu City, at alias Jeric, 30 taong gulang, isang e-bike driver at residente ng Sitio Riverside, sa parehong barangay.

Ang target ng operasyon na kinilalang si alias Zairah ay nakatakas at patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.

Nasamsam sa operasyon ang dalawampung (20) piraso ng e-cigarette na naglalaman ng malapot at kulay-dilaw na likido na pinaniniwalaang may THC na may tinatayang halagang ₱50,000, pati na ang buy-bust money at iba pang ebidensiya.

Isinailalim na sa pagsusuri ang mga nakumpiskang ebidensiya sa PDEA Region 7 Regional Office Laboratory para sa wastong disposisyon, habang ang dalawang suspek ay kasalukuyang nakakulong sa PDEA Region 7 detention facility sa Lahug, Cebu City.

Ang pagbebenta ng ilegal na droga, anuman ang dami o kalidad, ay may kaukulang parusang habambuhay na pagkakakulong at multang nagkakahalaga mula ₱500,000 hanggang ₱10 milyon. (PAUL JOHN REYES)