DURA-DURA GANG ARESTADO
- Published on February 12, 2021
- by @peoplesbalita
INARESTO ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang apat na hinihinalang miyembro ng Dura-Dura Gang nang dakpin ng mga pulis matapos na mambiktima ng mga pasahero ng isang pampublikong bus.
Ang mga naaresto ay sina Jayson Labanin, 26, ng Maganda Street, Sampaloc, Maynila; Mark Bactol, 30, ng V. Mapa St., Sta. Mesa, Maynila; Richard Moreno, 39, at Erwin Obemio, 36, kapwa ng Matimyas Street, Sampaloc, Maynila.
Dakong alas-7:30 ng gabi nang akyatin ng mga suspek ang isang pampublikong bus na patungo sa Liwasang Bonifacioat dahil pumalag ang mga pasahero, nagkaroon ng komosyon.
Agad na rumesponde sa insidente ang mga tauhan ng Lawton Police Community Precinct sa pangunguna ni PMaj Virgilio Platon dahilan para una nilang masukol ang mga suspek na sina Labanin at Bactol.
Itinuro naman ng mga suspek ang kinaroroonan ng kanilang mga kasamahan kaya nagkasa ng follow-up operation ang mga pulis dakong alas-8 ng gabi sa may Blumentritt sa Sampaloc na nagresulta naman sa pagkakadakip nina Moreno at Obemio.
Una rito, nagkaroon pa ng komosyon nag pumiglas ng isa sa suspek kaya nabitawan ni Platon ang kaniyang baril na aksidenteng pumutok at tinamaan siya ng bala sa kaliwang paa dahilan para isugod siya sa pinakamalapit na pagamutan.
Ayon sa pulisya, responsable umano ang mga suspek sa insidente ng panghoholdap at pandurukot sa mga pasahero ng bus at jeep sa Maynila kung saan modus nila ang pagdura sa pasahero para mapatayo ito at kanilang madukutan. Nahaharap ngayon ang apat na suspek sa kasong Robbery Hold-up sa Manila City Prosecutor’s Office. (GENE ADSUARA)