Dry run ng face-to-face classes sa 2021, aprubado na
- Published on December 16, 2020
- by @peoplesbalita
INAPRUBAHAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagsasagawa ng pilot implementation ng face-to-face classes sa ilang piling eskuwelahan sa low-risk areas.
Sa Cabinet meeting, noong Disyembre 14, 2020, inaprubahan ng Chief Executive ang presentasyon ng Department of Education (DepEd) na magsagawa ng pilot implementation o dry run ng face-to-face classes sa piling eskuwelahan sa mga lugar na low COVID-risk para sa buong buwan ng Enero 2021.
Makikipag-ugnayan ang DepEd sa COVID-19 National Task Force (NTF) para sa pagmomonitor ng isasagawang pilot implementation.
“The pilot shall be done under strict health and safety measures, and where there is commitment for shared responsibility among DepEd, local government units and parents,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Aniya, kailangang bigyang-diin ng pamahalaan na ang face-to-face classes sa mga eskuwelahan na papayagan ang ganitong sistema ay hindi compulsory kundi voluntary sa panig ng mag-aaral at magulang.
“Having said this, a parent’s permit needs to be submitted for the student to participate in face-to-face classes,” diing pahayag ni Sec. Roque.
Samantala, nangangalap na ng report ang Department of Education (DepEd) para makabuo ng balangkas sa posibleng pilot operation ng face-to-face learning, pagsapit na ng taong 2021.
Ayon kay Education Sec. Leonor Briones, pinagsusumite na nila ng report at rekomendasyon ang regional directors, para ma-assess ang sitwasyon kung pwede nang maibalik ang personal na pagdalo sa klase ng mga estudyante.
Pero tanging sa low risk areas lang umano ito maidaraos.
Gayunman, kailangan pa rin aniya ng pahintulot mula sa local government units (LGUs), magulang ng mga bata at kailangan din ng maayos na transportasyon.
Una rito, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagpalutang ng posible ang face-to-face classes sa susunod na taon, kung maigagarantiya na ligtas sa banta ng COVID-19 ang mga mag-aaral. (DARIS JOSE)