Drug pusher, laglag sa buy bust sa Valenzuela
- Published on March 5, 2026
- by @peoplesbalita
BALIK-SELDA ang isang tulak ng illegal na droga nang muling maaresto ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang naarestong suspek na si alyas “Amang”, 46, (listed SLI/pusher) at residente ng Brgy., Marulas.
Ayon kay P/Lt. Sherwin Dascil, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela Police, nakatanggap sila ng impormasyon na muli na naman umanong nagbebenta ng ilegal na droga sa kanilang lugar ang suspek.
Nang positibo ang ulat, kaagad bumuo ng team si Lt. Dascil bago ikinasa ang buy bust operation laban kay alyas Amang sa koordinasyon sa PDEA.
Nang matanggap ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na hudyat na positibo na ang transaksyon, agad lumapit ang back-up na operatiba saka inaresto ang suspek dakong alas-10:25 ng gabi sa F. Bautista St., Brgy., Marulas.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 5 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P34,000, buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at dalawang P500 boodle money, coin purse at P150 cash.
Sinabi ni SDEU investigator PSSg Cris Paul Collo na dati nang naaresto ng mga operatiba ng SDEU ang suspek dahil din sa pagbebenta umano ng ilegal na droga.
Na-inquest na ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutors Office. (Richard Mesa)