• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 11:09 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DRUG DEN SA DUMANGAS SINALAKAY NG PDEA, 7 ARESTADO

SINALAKAY ng mga awtoridad ang isang hinihinalang drug den sa Barangay PD Monfort North, Lublub, Dumangas, madaling-araw ng Agosto 16, 2025, na nagresulta sa pagkakaaresto ng pitong indibidwal na ngayon ay haharap sa parusa sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (R.A. 9165).
Pinangunahan ng PDEA RO6 Special Enforcement Team (RSET) ang operasyon, kasama ang PDEA Iloilo, Philippine Coast Guard, at Dumangas Municipal Police Station.
Nahuli sa operasyon sina Gary, 42, umano’y maintainer ng drug den; Nene, 36, umano’y empleyado ng drug den; at limang iba pa na nakilalang sina Brex, 22; Kapid, 24; Geno, 21; Ipil, 22; at Rex, 39.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang ilang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na humigit kumulang 90 grams, kasama ang mga drug paraphernalia tulad ng timbangan, lighter, mga improvised tooters, at marked buy-bust money.
Haharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9165, kabilang ang pagbebenta at pagmamay-ari ng ipinagbabawal na gamot, pagpapatakbo ng drug den, at pagmamay-ari ng drug paraphernalia.
Ayon sa batas, ang pagpapanatili ng isang drug den ay may parusang life imprisonment, gayundin ang maaaring kaharapin ng mga empleyado, habang ang mga ‘visiting drug den’ ay maaaring mapatawan ng parusang mula 12 hanggang 20 taong pagkakakulong. May mabigat ding kaparusahan ang pagmamay-ari ng ipinagbabawal na gamot at paraphernalia.
Binigyang-diin ng PDEA na ang pagpapatakbo, pagtatrabaho, o kahit simpleng pagbisita sa isang drug den ay may mabigat na konsekwensiya sa ilalim ng batas. Sa ngayon, nakakulong ang lahat ng mga suspek at hinihintay ang pagsasampa ng kaukulang kaso sa korte. (PAUL JOHN REYES)