• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

‘Drug adik’, tiklo sa pagbenta ng baril sa pulis sa Caloocan

KALABOSO ang 42-anyos na lalaki na hinihinalang gumagamit ng ilegal na droga nang bentahan ng hindi lisensiyadong baril ang pulis na nagpanggap na buyer sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Caloocan Police Chief P/Col. Edcille Canals, ikinasa ng mga operatiba ng Intelligence Section ang buy bust operation matapos magawang makipagtransaksyon kay alyas “Boom” ng isa mga operatiba.

Kaagad dinamba ng mga tauhan ni Col. Canals ang suspek nang tanggapin ang P6,500 markadong salapi mula isang operatiba na nagpanggap na buyer kapalit ng ibinenta na kalibre .9mm pistol na may tatlong bala sa magazine.

Isinagawa ang bentahan ng armas sa C3 Road, Brgy. 21, matapos makarating sa kaalaman ni P/Maj. Arnold Lising, hepe ng Intelligence Section, na naghahanap ng buyer ng kanyang baril si alyas “Boom” na kilalang gumagamit ng ilegal na droga sa kanilang lugar.

Bukod sa ibinentang baril, nakumpiska din sa suspek nang kapkapan ang nasa 6.1 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P41,480.00.

Pinapurihan naman ni P/Col. Josefino Ligan, Acting District Director ng Northern Police District (NPD) ang Caloocan City Police Station sa kanilang dedikasyon na mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa naturang lungsod.

Iprinisinta na ang suspek sa inquest proceedings sa piskalya ng Caloocan City kaugnay sa kakaharin niyang kasong ilegal na pagbebenta ng armas at pag-iingat ng bawal na droga. (Richard Mesa)