DPWH, ilulunsad malawakang waterways clean up sa NCR
- Published on November 6, 2025
- by @peoplesbalita
NAKATAKDANG maglunsad ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng malawakang paglilinis sa mga waterways sa National Capital Region (NCR) sa susunod na linggo.
Nabatid na isasagawa ang massive waterways clean up sa Nobyembre 12 upang mabawasan ang mga pagbaha sa Metro Manila.
Sa kanyang pakikipagpulong sa Metro Manila Council (MMC), sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na maglalaan sila ng P2.14 bilyon mula sa kanilang hindi nagalaw na budget para pondohan ang aktibidad.
Isasagawa aniya ang inisyatiba sa pakikipag-ugnayan sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), local government units, at mga pribadong kumpanya na nangakong magkakaloob ng heavy equipment at iba pang suporta.
“Hindi na po bago ito. Matagal na po ginagawa ito ng ating mga LGUs at ating MMDA pero ang gusto po ng pangulo in the next almost straight quarters… Eh talagang full force po ang national government, kasama na ang MMDA,” dagdag pa ng DPWH chief.
Aniya, “Lahat po ng area na ma-identify natin ay talagang lilinisin natin, i-ki-clear natin, i-de-dredge natin.”
Dagdag pa ni Dizon, target ng paglilinis na makapagtanggal ng hanggang apat na milyong cubic meters ng basura at banlik sa mga daanang-tubig.