• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 21, 2025
    Current time: October 21, 2025 2:35 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DPWH employees mauubos sa sibakan- SEC DIZON

MARAMI ang mawawalan ng trabaho sa patuloy na imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.
Ito ang tiniyak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na mangyayari sa ginagawang paglilinis at reporma sa ahensiya.
“Unang-una, ­hindi baka…maraming mawawala — marami talaga ang mawawala rito,” ani Dizon sa idinaos na pulong-balitaan sa isang hotel, sa Clark, Pampanga nitong Biyernes.
Aniya, tatanggalin na walang sisinuhin at walang sasantuhin, “from top to bottom” at gagawa ng ­paraan upang mapalitan ang mga nasibak.
Naniniwala siya na ang pagbabago ay dapat na magsimula sa loob ng ahensiya, na batay na rin sa nakuhang payo mula kina dating DPWH secretary Rogelio “Babes” Singson at Ping de Jesus.
“[P]ero we also need to seek external help. Like getting external advisers sa mga engineering companies na respetado sa buong bansa. Importante rin yun,” wika niya.
Matatandaang nitong huling bahagi ng Setyembre, naglabas si Dizon ng show-cause order laban sa ilang regional directors at district engineers na pinaniniwalaang sangkot sa mga substandard na proyektong pang-imprastraktura, pakikialam sa mga ebidensya, gayundin sa mga nabunyag na pagkakaroon ng marangyang pamumuhay na higit sa kanilang makakaya.
Nagsagawa rin ng personal na pag-inspeksyon si Dizon at Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa mga sinasabing substandard na proyekto, bukod pa sa mga iniulat sa kanila ng iba’t ibang sources.

Nasampahan na rin ng reklamong graft and corruption, at malversation sina Henry Alcantara, Brice Hernandez at 18 iba pang opisyal at empleyado ng Bulacan 1st District Engineering Office kaugnay sa anomalya.
Nasampahan na rin sila ng paglabag sa Government Procurement Act.