• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 19, 2025
    Current time: October 19, 2025 6:25 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DPWH EMPLOYEE, TIMBOG SA ISINAGAWANG BUY-BUST OPERATION NG PDEA

NAARESTO ang isang empleyado ng gobyerno na kabilang sa talaan ng High-Value Target (HVT) sa ikinasang joint buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) RO MIMAROPA – Regional Special Enforcement Team, katuwang ang PDEA Occidental Mindoro Provincial Office at ang Municipal Drug Enforcement Unit ng Mamburao Municipal Police Station noong Setyembre 12, 2025 sa Barangay Payompon, Mamburao, Occidental Mindoro.
Nasamsam mula sa suspek ang tatlong (3) sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang timbang na 1 gramo at halagang Php6,800.00, batay sa Dangerous Drugs Board (DDB) value.
Kinilala ang naarestong suspek sa alyas Mike, 47 taong gulang, isang job order employee ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at residente ng Brgy. Tayamaan, Mamburao.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na may parusang habambuhay na pagkakakulong.
Muling pinagtibay ng PDEA MIMAROPA ang kanilang matibay na paninindigan sa pagtugis sa mga lumalabag sa batas laban sa iligal na droga, anuman ang estado, at patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensya para sa mas epektibong pagpapatupad ng batas. (PAUL JOHN REYES)