DPWH BUDGET, natapyasan ng P252B matapos ang REVIEW ORDER ni PBBM
- Published on September 17, 2025
- by @peoplesbalita

Sa press briefing sa Malakanyang, kinumpirma ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nabawasan ang initial budget ng DPWH na P881.3 billion ng halos 30%.
Tinuran ni Castro na ang panukalang budget para sa 2026 ay in-adjust sa P625.8 billion kasunod ng pag-alis sa P252 billion sa locally funded flood control projects na napuna dahil sa iregularidad.
“Sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na repasuhin ang budget ng Department of Public Works and Highways, tinapyasan na ng ahensya ang kanilang proposed budget ng halos 30 percent mula sa original proposal nito na P881.3 billion pesos. Aabot na lang sa P625.8 billion pesos ang kanilang budget proposal matapos na tanggalin ang lahat ng locally funded flood control projects na nagkakahalaga ng P252 billion pesos,” ayon kay Castro.
Sinabi pa ni Castro na hiniling ng DPWH sa Kongreso na i-reallocate ang P252 billion sa mga programa at mga proyekto na direktang mapakikinabangan ng mga tao, partikular na sa larangan ng agrikultura, edukasyon, healthcare, pabahay, labor, social welfare, at information technology.
Muli namang inulit ni Castro na isinusulong ng administrasyon ang accountability laban sa mga sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Sa ilalim ng Executive Order No. 94 na ipinalabas noong September 11, bumuo si Pangulong Marcos ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) para imbestigahan at magrekumenda ng angkop na kaso laban sa mga opisyal ng gobyerno, emopleyado o mga indibiduwal na sangkot sa anomalya sa flood control at kaugnay na proyekto sa DPWH sa loob ng nakalipas na 10 taon.
(Daris Jose)