• March 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DOTR, pahihintulutan na ang GCASH, DEBIT at CREDIT CARDS para magbayad sa pasahe sa tren

MALAPIT nang payagan ng Department of Transportation ang mga pasahero ng LRT at MRT na magbayad gamit ang debit o credit cards at maging ang mobile wallet platforms gaya ng GCash at PayMaya.
Tugon ito ng Department of Transportation sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr na gawing ‘mas convenient’ ang public transport sa mga pasahero ng LRT at MRT.
Nauna rito, ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa mga Cabinet members at ahensiya na kompletuhin ang mga proyekto sa itinakdang panahon at sa inilaang budget para mapigilan ang pagkaantala sa posibleng maging epekto sa pang-araw -araw na pangangailangan ng mga filipino.
Sinabi ni DOTr Secretary Vince Dizon na magsisimula silang mag-deploy ng ‘cashless turnstiles’ para sa mga automatic fare collection (AFC) system sa LRT at MRT ngayong Hulyo.
Layon nito na alisin ang pangangailangan na bumili pa o mag-reload ng Beep card, ang contactless, stored-value smart card na ginagamit para sa pagbabayad ng pasahe sa LRT at MRT lines.
Sinabi pa ni Dizon na magagawa na ng mga mananakay na i-tap ang kanilang cellphone o card sa turnstile o mechanical gate, na binubuo ng ‘revolving horizontal arms na nakakabit sa isang vertical post.
“Mga bandang July ito, if I’m not mistaken. I-implement na natin sa MRT at sa ibang mga tren natin. Alam ko pati credit card puwede na. Ita-tap mo na lang ‘yung phone mo. Hindi ka na kailangan bumili ng Beep” card,” ang sinabi ni Dizon.
“Nagtaka nga ako bakit hindi ito kaagad na-implement, ‘yun naman pala kaya iimplement kaagad-agad itong cashless options sa MRT,” aniya pa rin.
Samantala, sanib-puwersa naman ang DOTr at transport operators at financial service providers upang tiyakin ang maayos na rollout ng upgraded fare collection systems.
Ang pilot testing at public information campaigns ay naka-plano ngayon hanggang sa humantong sa paglulunsad sa Hulyo.