• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 21, 2025
    Current time: October 21, 2025 2:26 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DOH: Walang lockdown sa influenza-like virus

NILINAW ng Department of Health (DOH) na hindi sila magpapatupad ng lockdown nang dahil lamang sa mga naitatalang kaso ng influenza-like illnesses (ILIs) sa bansa.
Kumalat ang ilang social media posts na ilang lugar sa Luzon ang isasailalim sa lockdown dahil sa umano’y outbreak ng ILIs.
Tinawag naman ito ni Health Secretary Teodoro Herbosa na ‘fake news’ at sinabing, “Let me explain, the lockdown was done during Covid. There is no planned lockdown, that is fake news.”
Muli ring tiniyak ni Herbosa na walang nagaganap na flu outbreak sa bansa at ang mga sakit na kumakalat sa bansa ngayon ay seasonal respiratory illnesses lamang.
“What we have is the seasonal respiratory illnesses. It’s not a flu outbreak. We do not have a flu outbreak. It is our ILI season, marami siyang sakit like ubo, sipon, trangkaso and all other similar illnesses that spreads very fast during the rainy season,” paliwanag pa ng health chief.
Paniniguro pa ni Herbosa, inaasahan na nila ang pagdami ng maitatalang ILIs na nauuso aniya kapag Ber months.
Gayunman, mas mababa pa rin naman ang mga naitatalang kaso ngayong taon, na nasa 133,000 lamang hanggang Setyembre, kum­para sa 155,000 kaso na naitala sa kahalintulad na panahon noong 2024.
“We know many people are getting sick. Magkaibang virus ‘yun. Wala tayong outbreak from a single virus, there is no need to declare a lockdown but there is a recommendation to start wearing your mask or staying at home when you are sick. That is our public health recommendation,” dagdag pa ng kalihim.