• February 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DOH: Wala pang na-detect na Nipah sa Pinas

TINIYAK ng Bureau of Quarantine ng Department of Health (DOH-BOQ) nitong Sabado na wala pang natukoy na kaso ng Nipah virus sa bansa.

Sinabi ni BOQ officer-in-charge Dr. Roberto Salvador na 24/7 ang ginagawang mahigpit na border surveillance at screening protocols sa international travelers, dahil lahat ng daungan at airports ay may nakatalagang infrared thermal scanners at arrival concourses.
“As of now, since the issue about Nipah [virus] rose, we haven’t monitored or intercepted the virus even from those arriving from the direct flight from India,” ani Salvador.

Ang mga indibidwal na manggaga­ling sa mga bansang apektado ng virus tulad ng India ay sasailalim sa karagdagang pagsusuri, dagdag nito.

Mapapatunog ng alarma ang scanner kung lagpas sa 37.5 degrees Celsius ang temperature at may spotter naman na manu-manong nagbabantay sa mga pasaherong may sugat o pantal.

Kung kinakailangan na i-refer sa isang ospital para sa karagdagang obserbasyon, ang pasahero ay dadalhin sa isang ospital na itinalaga ng DOH, kabilang ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Una nang ipinahayag ni DOH spokesperson Dr. Albert Domingo na wala pang na-detect na Nipah virus sa Pilipinas ang Epidemiology Bureau, na dati nang nagkaroon ng mga kaso noong 2014.

Noong Martes ay inihayag ng health ministry ng India na may 2 kaso ng Nipah virus sa kanila at negatibo naman ang 196 na nakahalubilo nito matapos ang pagsusuri.