• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DOH: Rabies deaths sumirit dahil sa mga asong gala

ANG pagdami ng bilang ng rabies deaths o yaong pagkamatay na dulot ng rabies, ay dulot umano ng dumaraming asong gala.
Ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa, sa ngayon ay mayroong 13 milyong asong gala sa bansa.
“The increase in deaths for rabies is because there are many stray dogs… We have 13 million stray dogs. Dapat kino-communicate ‘yan na huwag lumapit sa stray dogs and cats,” ani Herbosa.
Dagdag pa niya, ang pagbabakuna sa mga naturang stray dogs at cats ay responsibilidad ng local government units (LGUs) at ng Bureau of Animal Industry (BAI).
Hinikayat din ni Herbosa ang publiko na pabakunahan ang mga alagang hayop at huwag ding mag-atubiling magpabakuna kung makagat ng hayop. Aniya, may sapat na bakuna kontra rabies ang Pilipinas.
Nagbabala rin ang health chief na ang rabies ay mapanganib at maaaring makamatay ngunit maaari aniya itong maagapan.
“Ang rabies ay delikado at nakamamatay, 100% ang fatality sa mga kaso noong 2024. Puwede itong makuha sa kagat, kalmot, o sa laway ng hayop na may rabies kung sakaling madilaan ang tao sa sugat, mata, ilong, o bibig,” ani Herbosa.
Noong 2024, umaabot sa 426 ang rabies-related deaths na naitala ng DOH sa bansa. ( Daris Jose)